Panalo bilang Best Actor si Dennis Trillo para sa "Green Bones" sa ika-48 Gawad Urian.

Ginanap ang prestihiyosong seremonya nitong Sabado sa Teresa Yuchengco Auditorium sa De La Salle University.

Ilan pa sa mga nominado para sa Best Actor award sina Carlo Aquino ("Crosspoint"), Baron Geisler ("Dearly Beloved"), Ruru Madrid ("Green Bones"), Sid Lucero ("Outside"), Ronnie Lazaro ("Phantosmia"), at Enzo Osorio ("The Hearing").

Sa kaniyang talumpati, nagpasalamat ang Kapuso actor sa kaniyang mga nakatrabaho at nakasama sa proyekto, at pati na rin ang mga manonood.

"Gusto ko pong ialay itong award na ito sa mga kasamahan kong bumuo no'ng pelikula. Halos dalawangdaang tao na nagtulong-tulong para buuin po 'yung pelikulang 'Green Bones,' siyempre po sa pamumuno ng aming batikang direktor na si Zig Madamba Dulay. Inaalay ko po itong award na ito sa kaniya," sabi niya.

Ibinahagi rin ni Dennis ang parangal sa mga kapwa niya nominado at "Green Bones" co-stars na sina Ruru at Enzo.

"At siyempre, sa lahat ng mga tao na nasa likod ng camera, na 'yung iba sa kanila, mas mahirap pa 'yung mga trabahong ginawa kumpara sa mga artista, kaya inaalay ko ito sa inyo. Hindi mabubuo ang pelikula, kundi sa tulong-tulong at pagsisikap ninyong lahat," aniya.

"At siyempre po, maraming salamat sa GMA Pictures, kay Ms. Annette Gozon, kay Ms. Nessa Valdellon, sa aming mga mahusay na manunulat, JC Rubio, Anj Atienza, and of course, Mr. Ricky Lee."

Nagpasalamat din siya sa kaniyang management team na Aguila Entertainment.

Personal ding pinasalamatan ni Dennis ang kaniyang pamilya na laging nagmamahal at sumusuporta sa kaniya.

"At siyempre, sa aking mapagmahal at ever supportive na pamilya na pinamumunuan namin ni Ms. Jennylyn Mercado, na talagang number one supporter ko. At maraming salamat sa kanila, sa kanilang suporta, sa kanilang pagsuporta sa lahat ng mga nais kong gawin sa career man o sa personal na buhay," sabi niya.

Inalay din ni Dennis ang award sa publiko.

"Inaalay ko itong award na ito sa lahat ng mga lumalabas para gumastos, manood ng sine, dahil talagang sa kanila lahat itong ginagawa natin. Maraming salamat po. At hanggang ngayon, nandito pa rin ako at 'yon ay dahil sa pagtangkilik ninyo. Maraming salamat po sa inyo lahat. Thank you very much."

Itinatag noong 1976, ang Gawad Urian Awards ang sukatan ng mga kritiko ng pelikulang Pilipino sa sining at kakayahan ng Filipino filmmakers.

Narito ang kumpletong listahan ng awardees ngayong taon. —VBL GMA Integrated News