Inumpisahan ng Black Eyed Peas member na si Apl.De.Ap ang kaniyang proyekto ng pagtatanim ng 100 milyong puno ng niyog noong Martes sa Liliw, Laguna.
Sa ulat ni Ian Cruz sa "State of the Nation" noong Martes, sinabi ni Apl.De.Ap na natutunan niyang magsaka mula sa kaniyang lolo noong lumalaki sa Pampanga.
“Before I moved to the US, I used to help my grandfather in tending to a lot of buffalos. And also, plant crops from sweet potato, to corn, to kamoteng kahoy,” ani Apl.De.Ap.
Noong pandemya, nakilala ni Apl.De.Ap ang isang taong nagbahagi sa kaniya tungkol sa mga negatibong epekto ng pagkasira ng lupa, o pagbabago o pagbaba ng kalidad ng lupa. Dito niya naisip na gumamit ng niyog para makatulong sa kalidad ng lupa.
“Then we ran into this thing called biochar. Biochar is an organic soil made from the pyrolisis of biowaste. And you know, coconut has the best carbon to create biochar,” sabi niya.
Dagdag pa niya, paraan na rin ito para ipakilala sa mundo ang mga produkto ng mga magsasaka ng niyog.
Sa GTV News Balitanghali, sinabing pilot site ng proyekto ni Apl.De.Ap ang Laguna, ngunit kasalukuyan din siyang nakikipagtulungan sa gobyerno para palawakin ang kaniyang layunin.
“Beginning of next year, I’m hoping to start the whole project, working with coops and LGUs and farmers. We gotta figure it out, that’s why we’re doing the pilot here so that it’s easier,” saad niya,
Nauna na ring nagsulat si Apl.De.Ap. sa GMA News Online tungkol sa kaniyang proyekto, at isiniwalat ang kaniyang planong magtanim ng 100 milyong puno ng niyog sa buong bansa.
Sinundan niya ito ng pahayag tungkol sa seguridad sa pagkain, kalusugan ng lupa, at kahalagahan ng pagsasaka sa mga Pilipino.
Nakipagpulong din si Apl. De. Ap. sa mga senador na sina Risa Hontiveros at Kiko Pangilinan sa Senado para talakayin ang kaniyang proyekto kasama ang mga magniniyog.-- Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
