Ipinakita ni Angelina Jolie sa unang pagkakataon ang mga pilat o scars na iniwan sa isinagawa sa kaniyang mastectomy, o operasyon sa dibdib noong 2013.
Sa ulat ng Unang Balita nitong Biyernes, sinabing ikinuwento ni Angelina sa isang magazine interview, na sumailalim siya sa isang preventive surgery dahil mayroon siyang genetic mutation na nakadadagdag sa tiyansang magkaroon siya ng breast cancer.
Ang mastectomy ay isang medical procedure na tinatanggal ang bahagi o lahat ng breast tissue upang gamutin o maiwasan ang breast cancer.
Taong 2013 nang pumanaw ang kaniyang tita sa breast cancer, samantalang 2015 nang ipaalis niya ang kaniyang ovaries at fallopian tube dahil sa risk ng ovarian cancer, na naging sanhi naman ng pagkamatay ng kaniyang ina.
Dagdag pa ng Hollywood actress, gusto niyang makiisa sa pagpapalaganap ng breast cancer awareness and prevention. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
