Inihayag ni Carla Abellana, na kasal na ngayon kay Dr. Reginald Santos, na umaasa siyang makapagsisimula na silang bumuo ng sariling pamilya. Ang aktres, kinokonsidera ang in vitro fertilization para magkaanak.
Sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa 24 Oras, sinabing kasama sa mga plano ngayon ng bagong kasal ang kanilang honeymoon sa Europe.
“Hopefully, makapag-start na kami mag-build ng family, if God permits. ‘Yun ang focus bilang, of course, the clock is ticking din. Magpo-40 na ako this year,” sabi ni Carla.
Nagpa-freeze na rin si Carla ng kaniyang eggs, kaya kinokonsidera nila ang in-vitro fertilization.
“Let's say, hirap man kami na mag-conceive naturally, at least merong ganu’ng backup, merong ganu’ng option,” saad ng Kapuso actress.
Ikinasal sina Carla at Reginald noong Disyembre 27 sa Alfonso, Cavite. Tila kabaligtaran ito sa nauna niyang kasal, na dinaluhan ng mga kaibigan niya sa showbiz.
“Parang high na high ka pa from the wedding. Andoon pa rin 'yung excitement, 'yung adrenaline. Kinasal na ako before, very showbiz 'yung wedding. ‘Di ba lahat naman ng katrabaho, ng kaibigan, ka-close sa showbiz. Parang kabaliktaran. Kasi unang-una gusto namin intimate 'yung wedding and very private lang siya. And pangalawa, dahil siya e, very private din na tao. Very ano siya, very as in non-showbiz,” ani Carla.
Kuwento ni Carla, first love niya si Dr. Reginald noong high school at muli lamang silang nagkausap nang biglang nag-message ito sa kaniya.
“Siguro mga 2022 or 2023 po na Christmas. Out of the blue, nag-greet lang po siya through private message po on social media ng ‘Merry Christmas, Happy Holidays,’” sabi naman ni Carla sa “Fast Talk with Boy Abunda.”
Kalaunan, muling nagkita sina Carla at Reginald noong dalhan siya nito ng gamot noong siya ay nagkasakit.
“Noong nagkita kami ulit after more than 20 years, parang walang lumipas na panahon. Parang nakita ko ‘yung kung sino ‘yung kilala ko noon. As in same person. ‘Pag kasama ko siya, very peaceful, very kalmado. Tapos nakakapagbiruan kami ng walang judgment. Tapos ano, ‘yung talagang as in nag-jive ‘yung personalities namin right away.”
Ilang buwan pa ang dumaan bago napapayag si Carla na sumugal at bigyan ng pagkakataon ang kaniyang first love.
“Of course, time heals all things. Hindi lang naman time ang lumipas. Ang dami kong pinagdaanan para mag-improve, para matuto, para mag-heal. So, I guess malaking factor ‘yun talaga. Kasi kung napaaga ‘yung pag-reconnect naming dalawa or what, iba ‘yung kalalabasan. So, I think ‘yung timing talaga,” sabi niya. – Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News
