Ibinahagi ni Lian Paz na hindi sila co-parenting sa ngayon ng kaniyang dating asawa na si Paolo Contis. Gayunpaman, bumubuti naman daw ang ugnayan ng aktor sa kanilang mga anak na sina Xonia at Xalene.
“Wala pa kami du’n sa co-parenting. We're just enjoying the fact that we are friends right now. Taking things slowly. One step at a time,” sabi ni Lian sa kaniyang guesting sa “Fast Talk with Boy Abunda” nitong Miyerkoles.
Biro ni Lian, mas madalas pang magpalitan ng mensahe sina Paolo at kaniyang kasalukuyang asawa na si John Cabahug, at tila raw mag-BFF.
Pero pagdating sa usapain ng mga bata, pinipili nina Lian, John at Paolo na maging pribado.
“Actually, kasi gusto talaga namin private 'yung mga ibang bagay, ‘di ba, Tito Boy? So hindi lahat naman talaga nilalabas namin sa publiko. So far ngayon, masaya lang talaga. Kasi nakikita namin din 'yung mga bata, na nagiging masaya sila. Yun 'yung importante sa amin ni John. 'Yun 'yung importante kay Paolo right now, for sure, 'yung welfare ng mga bata. Masaya sila as of the moment,” paliwanag ni Lian.
Inamin ni Lian na noong una na may awkward moments pa sa pagitan nina Xonia at Xalene kay Paolo. Ngunit nawala na raw ito.
“Noong una, may awkward moments, nahihiya pa sila. Pero noong magkakasama kami, like noong concert, ayun, doon ko nakita na parang okay sila. Kasi nakita din nila kami na okay. So pagkita nila noon, parang mas na-open up na sila, na-loosen up sila. So far, friends sila. They treat their papa as their friend,” kuwento ni Lian.
May pagkakataon ding binibigyan ni Lian si Paolo ng oras para maka-bonding ang kanilang mga anak.
“Actually, pag-uwi ng bahay, ‘pag magkakasama sila. Kasi binibigyan ko sila ng time na sila lang. So pag-uuwi sila, magkukuwento sila, siyempre. And then, nakakatawa kasi sinasabi nila [mga anak], ‘You know ma, papa is an overtalker, Oversharer,’” saad niya.
Patuloy na pagbahagi ni Lian, nagugulat daw ang mga bata kapag kausap nila ang amang si Paolo na maraming kuwento.
“Sabi ko, siguro, siyempre, ang tagal niyong hindi nag-usap. So marami talaga 'yang makukuwento sa inyo,” dagdag ni Lian.
Mensahe naman ni Lian kay Paolo: "Pao, thank you. Thank you for being there. And thank you for being a friend. And I wish you well sa lahat-lahat. Gusto ko maging masaya ka din sa buhay. At gusto ko meron ka din makasama habang buhay.” – FRJ GMA Integrated News
