Sina Caprice Cayetano at Lella Ford ang itinanghal na Big Winners ng “Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition 2.0!”

Ginanap ang Big Night nitong Sabado, at tumanggap ng tig-P1 milyon na premyo sina Caprice at Lella, na ginanap sa Crossroads Center sa Quezon City.

.Nakakuha si Caprice ng 61.78% ng mga boto na itinanghal na Kapuso Big Winner, habang 53.63% naman ang boto ni Lella na itinanghal na Kapamilya Big Winner.

Labis na ikinagulat ni Caprice ang kaniyang pagkapanalo.

"Sobrang nagulat po talaga ako," saad niya. "Sobrang nagpapasalamat po ako kila Miss Annette, Miss Joy, Miss Cory, Direk Lauren, Boss Vic, Kuya Jess. I love you all. Sobrang thank you po. Maraming maraming salamat po sa lahat ng sumusuporta."

Samantala, hindi pa nagsi-sink in kay Lella ang pagkapanalo niya.

"Until now, hindi pa rin po ako makapaniwala pero maraming maraming salamat po talaga sa inyong lahat. Wala po akong ibang masabi but thank you so much. ‘Yun lang po talaga. Maraming salamat po," ayon sa young star.

Nagsimula ang “Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition 2.0” noong October 2025.

Itinampok sa ikalawang season ang 20 Gen Z celebrities mula sa Sparkle at Star Magic.

Sa buong season, sinubaybayan ng mga manonood ang iba’t ibang grupong nabuo na humarap sa lingguhang hamon at mahihirap na gawain sa loob ng Bahay ni Kuya.

Nagkaroon din ng mga pagbisita ang ilang kilalang celebrity guest, kabilang sina Vice Ganda, Gladys Reyes, Miguel Tanfelix, Bianca Gonzalez, Ruru Madrid, at iba pa.

Umabot sa 20 ang kabuuang housemates sa naturang episode na kinabibilangan nina Sofia Pablo, Princess Aliyah, Miguel Vergara, Krystal Mejes, Anton Vinzon at iba pa. (LOOK: Meet the 20 housemates of 'Pinoy Big Brother: Celebrity Collab Edition 2.0') -- Jade Veronique Yap/Jamil Santos/FRJ GMA Integrated News