Inilahad ni AJ Raval na hindi niya inasahan ang magandang resulta nang aminin niya sa “Fast Talk With Boy Abunda” na mayroon na siyang mga anak.

Nitong Lunes, muling bumalik sa programa si AJ, at binalikan nila ni Tito Boy ang ginawang rebelasyon ng aktres tungkol sa relasyon nila ni Aljur Abrenica, at ang pagkakaroon niya ng limang anak.

"Actually expected ko po nun, Tito Boy, bigay ko na lahat nung araw na 'yun. 'Di bale nang masira ako, mawalan na ng trabaho, mabigyan ko lang ng freedom 'yung mga anak ko OK na ko," ayon kay AJ.

"Pero hindi ko po in-expect na ang ganda po pala ng kalalabasan Tito Boy nung interview na 'yun. Thank you so much," dagdag niya.

Dahil hindi na lihim ang kanilang mga anak, maaari na silang makita sa publiko at maka-bonding ang dalawang anak ni Aljur kay Kylie Padilla.

"Ang una po naming ginawa nung mga anak ko, ni Aljur at 'yung mga anak din po niya kasama namin. Nagbigay po kami ng pasasalamat sa Diyos. Um-attend po kami ng thanksgiving day, nagpasalamat po kami. Nagsamba po kami, Tito Boy," sabi ni AJ.

Sinabi rin ng aktres na matapos ang kaniyang panayam sa “Fast Talk,” nakalabas sila upang ipagdiwang ang ikatlong kaarawan ni Alkina, ang anak nila ni Aljur.

"First time po naming lumabas nang birthday niya, nag-mall, kumain po kami sa labas," kuwento niya.

Ayon kay AJ, mapayapa na ngayon ang kanilang buhay.

Nagagawa na rin nilang magbahagi ng mga larawan at video ng kanilang mga anak sa social media.

Isinapubliko nina AJ at Aljur ang kanilang relasyon noong Valentines Day ng 2023. Ikinasal si Aljur kay Kylie noong 2018 ngunit naghiwalay sila noong 2021.

Samantala, mapapanood si AJ sa isang episode ng “Magpakailanman,” kung saan gaganap siya bilang isang batang ina. —FRJ GMA News