Hahanap ng mga legal na remedyo sina Quezon City councilor Alfred Vargas at kaniyang asawang si Yasmine Vargas matapos mabasura ang isinampa nilang reklamo laban sa mag-asawang Rob Sy at Juvelle Bacosa. Ikinatuwa naman ni Sy ang desisyon ng piskalya.

Sa isang pahayag sa Facebook nitong Huwebes, sinabi ni Vargas na iginagalang nila ang batas at ang tamang proseso kahit hindi pa nila natatanggap ang opisyal na desisyon ng piskalya.

"In the same light, due process allows us to seek legal remedies," sabi ni Vargas.

“We will exert all available legal avenues to pursue justice for our child. Hindi pa po dito nagtatapos ang laban. Thank you for all your prayers," dagdag niya.

Nagsampa ng reklamo sina Alfred noong Abril 13 sa Office of the City Prosecutor of Manila laban sa kapuwa aktor na si Sy at sa asawa nito, kaugnay sa umano’y pambu-bully ng anak nina Sy sa anak nina Alfred sa sa isang swimming training.

Bilang mga magulang, wala umanong ginawang hakbang sina Sy nang ipaalam nila rito ang ginawa ng anak.

Ang reklamo ay may kaugnayan sa paglabag umano nina Sy sa Republic Act No. 7610, o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.

Sa isang pahayag noon na ipinadala ni Sy sa "Fast Talk with Boy Abunda," itinatanggi ng aktor ang mga paratang laban sa kanilang pamilya.

Ipinost naman ni Sy sa kaniyang Facebook page ang sinasabing resolusyon ng piskaya na may petsang Mayo 12, na nagbasura umano sa reklamo laban sa kanilang mag-asawa sa dahilang, "no prima facie evidence with reasonable certainty of conviction."

"Malugod po naming tinatanggap ang May 12, 2026 Resolution na inilabas ng Office of the City Prosecutor of Manila na NAGBASURA sa criminal complaint for alleged child abuse under R.A. 7610 na isinampa laban sa amin," saad ng aktor.

"Consistent po dito, ay tahasan ding sinabi sa Resolution na ang mga alegasyon ay “merely based on speculation,” at muling pinagtibay ang isang pangunahing prinsipyo sa batas na "ang allegasyon ay hindi ebidensya," dagdag pa niya.

May hiwalay pang cyberlibel complaint na inihain si Yasmine laban sa hindi niya tinukoy na tao dahil umano sa mga maling posts sa social media laban sa kanilang pamilya. -- FRJ GMA News