Nagsalita si Mimiyuuuh tungkol sa mga puna ng ilang netizens na nagbago na umano siya at naging “unrelatable” simula nang maging content creator at fashion celebrity.

“As in, ang daming articles Ms. Kara, about it. Unrelatable na daw si Mimi. Nanimiss ko na 'yung dating si Mimi,” sa kaniyang guesting sa podcast na “I-Listen with Kara David.”

“Pero, this is the life I want for myself, e. Ever since naman Ms. Kara, kaya po ako nagwo-work hard talaga is to give the best life not only for myself but also to my family. And now that I'm living it, ba't naman po ako magiging apologetic about it?” paliwanag niya.

Ayon kay Mimiyuuuh, o Jeremy Lomibao Sancebuche sa tunay na buhay, hindi naman talaga nawawala ang pagbabago, ngunit nananatili ang kaniyang “core” bilang tao.

“Pero ang core ko po as Mimiyuuuh and as a person, I think same-same pa rin naman po. [‘Yung Mimi] na taga-Baclaran. Siya pa rin po 'yun,” sabi niya.

“May kasabihan nga po ako, you can take the girl out of Baclaran, but you can’t take the Baclaran out of the girl,” dagdag niya.

Para sa kaniya, masasabing nagbago na ang isang tao kapag nagbago na rin ang mga tao sa kaniyang paligid. Ngunit nagpapasalamat si Mimiyuuuh na solido pa rin sila ng mga kaibigan niya sa kolehiyo.

“Pero looking at it, pare-pareho pa rin po ng value 'yung meron kami. So, nagbago po ang buhay ko, nagbago ang pananamit ko, pero si Mimiyuuuh noon hanggang ngayon, siya pa rin naman po 'yun.”

Ipinunto ni Mimiyuuuh na bunga ng kaniyang pagsusumikap ang kaniyang tagumpay sa buhay.

“Ano ba naman 'yung i-reward mo 'yung sarili mo from time to time para lang mas sipagin ka? Hindi naman ito galing sa nakaw, Ms. Kara. So bakit ko naman talaga ipagkakait sa sarili ko? And we deserve nothing but the best,” saad niya.

Tungkol sa mga susunod niyang pnao sa buhay, sabi ni Mimiyuuuh, “Gusto ko lang po maging masaya.”

“Pero it's so hard, especially now, to be happy, ‘di ba, Ms. Kara? Kasi ang rami mong sacrifices, ang dami mong dapat meron bago ka maging masaya,” patuloy niya.

Ngayon, gusto na lamang ni Miiyuuuh ang isang kalmado na buhay.

“Kasi parang now na I'm turning 30 this year, mas nag-i-enjoy na po ako sa mga kalmadong araw, mga slow-paced life,” patuloy niya.

Wala raw lovelife sa ngayon ang 29-anyos na content creator.

“Wala po. Kapagod,” sabi niya, na idinagdag na bulsa naman ang kaniyang nadadagdagan.

“[Year] 2018, 2019, bago ako maging Mimiyuuuh sa social media, sabi ko, ‘Universe, bigyan mo na lang ako ng pera kahit huwag na lalaki. A'yun. So every time nasasaktan ako sa lalaki, lumalaki ang back account ko. And I feel like, okay na ‘yan. Kaysa naman sa wala,” sabi niya.—FRJ GMA News