Sa pagganap niya bilang isang gay sa MMFF 2017 entry na 'Deadma Walking,' inihayag ni Kapuso actor Edgar Allan "EA" Guzman na malaki ang naitulong ng pag-oobserba niya sa kaniyang kapatid, na isang bading.

"Actually siya pa rin naman 'yung peg ko dito, 'yung brother ko na gay. And I'm proud of it na meron akong kapatid na bading," sabi ni EA sa press conference ng pelikula nitong Huwebes.

Gaganap si Edgar Allan bilang si Mark, best friend ni John, na malapit nang mamatay dahil sa cancer. Dahil sa "vain" si John, gagawa siya ng pekeng lamay ng kaniyang sarili para marinig niya kung ano ang mga sinsabi ng mga kamag-anak at kaibigan tungkol sa kaniya.

 

 

Magiging katulong ni John si Mark sa pag-o-organisa ng kaniyang lamay.

Gaganapin ng aktor na si Joross Gamboa ang karakter ni John.

Ayon pa kay EA, may tiwala raw ang kapatid niya sa kaniya na sa pag-ooberba, nagagagampanan niya nang maayos ang pagiging isang bading.

"Hindi siya 'yung tipo ng kapatid na sasabihin niya sa 'yo, 'O dapat ganito ha', hindi. May tiwala siya sa akin na alam niya nag-o-observe ako sa kaniya every time na kikilos siya, kung kailan siya masaya at malungkot. Naka-observe ako sa kaniya. So hindi siya 'yung klase ng kapatid na ganu'n, pero naka-support siya sa akin. Hindi ako nanghihingi ng tips sa kaniya na kahit ano, siguro 'yung every night na magkasama kami sa isang bahay, sasapat na 'yon para makita ko at makakuha ako sa kaniya ng mga nuances ng pagiging isang bading," sabi ni EA.

"Sakto naman, 'yung role ko rito, witty, naughty, eh 'yung kapatid ko na 'yun, pagkatalagang kami 'yung kasama, palagay siya, may pagka-witty and naughty din 'yon. So alam ko. Tapos ako na lang, in-adjust ko na lang, dinagdagan ko na lang ng konting kulit, as smart na talagang maharot, malandi. Tapos 'yung mga punchline, du'n na lang ako nagsariling adjustment."

Masaya raw si Edgar Allan sa suportang ibinibigay sa kaniya ng kapatid.

"Siya rin naman 'yung nagreremind sa akin na, ito nga, in the past few days, 'yung views namin, tumataas, lagi siyang naka-text na 'I'm so proud of you Allan, three million views na kayo,' ganu'n siyang klaseng kapatid. Nakasuporta pa rin siya."

Ikinuwento nina EA at Joross ang hamon sa pagganap ng mga gay roles.

"Hindi na kami nahihirapan, feeling namin gay na nga kami ngayon eh. 'Yung mga binibili ko ngang mga polo (kulay pink) ganito na eh," pabirong sabi ni Joross.

"Actually 'yung pagiging gay sa character na 'yon, hindi siya sa nahihirapan kang maging gay. Nasa sitwasyon 'yan ng karakter mo eh. Kahit sabihin mong lalaki 'yung ginagampanan namin, pero ano 'yung sitwasyon ng lalaking 'yun. Du'n 'yung challenge pumapasok, kung mahirap o hindi," sabi pa ni Joross.

"If ever na future projects ko na magiging gay ako, ang pinaka-challenge is 'yung to do a love scene with a guy din. Siguro 'yun 'yung mas mahihirapan akong iko-convince 'yung sarili ko na gawin kasi para sa akin mahirap tsaka involved din 'yung emotions, may physicality din na magaganap so para sa akin, du'n ako mahihirapan," sabi ni Edgar Allan.

Produced ng T-Rex Entertainment Productions, ang Deadma Walking ay sa direksyon ni Julius Alfonso.

"Para sa akin, 'yung pagkakaibigan nina John and Mark, ang natutunan ko diyan is ano pa 'yung kaya mong i-sacrifice para sa isang kaibigan and kung paano maging isang tunay na kaibigan," sabi ni Edgar Allan.

"Apart from being a friendship movie, it's all about selfless love. Kasi minsan hindi mo makikita sa pamilya mo 'yan... Sa friendship kasi, iba 'yung developmental stages ng friendship. Once mahanap mo 'yung pinaka-best friend mo, kumbaga, papunta na sa beginning soulmate, du'n mo talaga mararamdaman, andiyan 'yung selfless love,'" sabi ni direk Julius. —NB, GMA News