Sampal at sipa ang inabot ng isang traffic enforcer mula sa rider ng motorsiklo na kaniyang sinita sa Santa Rosa, Laguna.
Sa ulat ng GMA news "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabing ipinatawag ng kapitan ng barangay sa kaniyang tanggapan ang dalawa.
Ngunit pagpasok pa lang sa barangay hall ng enforcer na si Arwin Boy Savarre, dinuro na siya ng rider na si Rey Casacop at sinundan kaagad ng sampal.
Mabilis namang nakailag ang enforcer at kaagad na umawat ang barangay captain at ilang tanod.
Pero habang nagpapaliwanagan, bigla namang sinipa ng rider ang traffic enforcer.
Magsasampa ng kasong direct assault at physical injury si Savarre laban kay Casacop, na tumangging magbigay ng pahayag sa ginawang pananakit sa enforcer. -- FRJ, GMA News
