Aminado si Derrick Monasterio na nahirapan siya sa kaniyang torture scene sa "Mulawin Vs. Ravena," pero hindi niya inisip na magpa-double sa eksena.

Sa Starbites report ni Lhar Santiago sa Balitanghali nitong Miyerkules, hindi biro ang dinanas ni Derrick sa kanyang torture scene bilang Rodrigo o Almiro sa fantaserye.

Sa eksena, pahihirapan siya ng todo ni Joko Diaz bilang Antonio.

Ito ang unang pagkakataon na gumawa si Derrick ng mabigat na eksena kung saan ibinitin siya nang patiwarik at paulit-ulit na inilubog sa tubig.

"Mahirap pero very professional naman 'yung team, 'yung staff, 'yung crew. Sila na mismo yung nakakakita kung pulang-pula na ako," aniya.

Sa una'y inalok ng production si Derrick na magpa-double na lang pero tumanggi ang Kapuso aktor.

"Mas okay dito 'pag ako eh, kasi, for example, pumalpak 'yung double, akin pa rin magrereflect 'yun, so mas maganda, para alam mo 'yung gusto mong kalabasan, do it yourself."

Ang pagpapahirap kay Almiro ay bahagi ng matinding dadanasin niya bilang tao. pero paabang abang daw ang transformation niya sa pagiging isang magiting na Mulawin.

"Ganu'n talaga eh. Sa umpisa, mahihirapan ka pero, it's not always about pain and hardship. Dadating din 'yung gaan, 'yung glory at victory at the end," ayon kay Derrick.

"Very glorious 'yung moment na magtatransform ako into a bird so ang ganda ng scene dito." —Jamil Santos/JST, GMA News