Nagtamo ng saksak sa leeg at katawan ang isang 19-anyos na dalaga nang manlaban sa lalaking nagtangkang gumahasa sa kaniya sa Maynila. Ang suspek, nakunan sa CCTV na hubo't hubad na tumatakas.

Sa ulat ni Katrina Son sa GMA News "Saksi" nitong Biyernes, kinilala ang suspek na si Joshua Dale Perez, 21-anyos, guwardiya sa dormitoryo na tinutuluyan ng biktima sa Sampaloc, Maynila.

Sa kuha ng CCTV camera, nakita pa si Perez na wala nang saplot na nagmamadaling bumaba sa dormitoryo.

Nahuli siya ng mga awtoridad sa follow-up operation at itinuro ng biktima na nagpapagaling sa ospital.

"Naiwan yatang nakabukas yung pinto, pumasok itong suspek, tinakpan ng unan sa mukha [ang biktima] at rereypin niya sana," ayon kay  Police Senior Inspector Pidencio Saballo Jr., MPD-Station 4.

Pero nanlaban ang biktima at nagtamo ng saksak sa leeg at may mga sugat din siya sa braso.

Nakita naman kay Perez ang mga kalmot sa parteng batok, sa katawan at kagat sa kamay na tanda ng panlalaban ng biktima.

Hindi na itinanggi ni Perez ang kaniyang ginawa sa biktima.

"Pagbabayaran ko na lang po, nagawa ko na po at pinagsisihan ko naman po,' saad niya. -- FRJ, GMA News