Kahit ilang minuto lang ang deperensiya ng kanilang pagsilang, naging magkahiwalay ang araw ng kapanganakan ng isang kambal sa California na nataon sa pagpapalit ng taon.

Sa ulat ng www.independent.co.uk, sinabing isinilang ang kambal na sina Joaquin at Aitana de Jesus Ontiveros ng kanilang inang si Maria Esperanza Flores Rios sa Delano Regional Medical Center.

Si Joaquin ay iniluwal ng 11:58 p.m. ng Disyembre 31, 2017, samantalang si Aitana ay nailabas 12:16 a.m. ng Enero 1, 2018 sa pamamagitan ng cesarean section [operation].

Nakatakda sanang manganak si Maria sa Enero 27 at naka-schedule na para sa cesarean sa Enero 10. Kaya hindi nila inasahan ng asawa ang pag-labor o paghilab ng kaniyang tiyan noong gabi ng bisperas ng Bagong Taon.

Kapwa naman daw malusog ang kambal na kaagad nakakuha ng atensyon ng mundo. -- Jamil Santos/FRJ, GMA News