Excited na si Ken Chan sa kaniyang bagong proyektong "The Cure" kung saan makakasama niya ang iniidolong aktres na si Jaclyn Jose. Si Jak Roberto naman, sasabak sa aksyon sa "Contessa."

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Huwebes, sinabing pinaghahandaan na ni Ken ang kaniyang role na doktor sa "The Cure."

"Ang daming challenges itong role ko kasi kasama ang drama, may romantic side, may action," anang aktor.

Pinag-aaralan at sinasanay na rin daw ni Ken ang sarili sa mga medical term para mas maging effective ang kaniyang pagganap.

Pag-amin din niya, kinakabahan siya nang malaman niyang makaka-eksena niya sa serye ang Cannes Film Festival Best Actress na si Jaclyn, bukod pa kina Jennylyn Mercado at Tom Rodriguez.

"Idol ko siya [Jaclyn] sa pag-acting. Lahat ng indie films niya pinanood ko and actually kinausap ko siya, inamin ko sa kaniya na, sabi ko, 'Tita Jackie, sorry kinakabahan po ako kapag kaharap kayo,'" kuwento niya.

Samantala, ang dating kasama naman ni Ken sa "Meant To Be" na si Jak, sasabak sa aksyon at magiging tagapagtanggol ni Glaiza de Castro sa afternoon prime series na "Contessa."

Malaking tulong daw para kay Jak ang kaniyang martial arts background lalo na sa mga pisikal na eksena sa "Contessa."

Sabi pa ng aktor, nag-e-enjoy siyang kaeksena si Glaiza na sobrang husay umanong umarte.

"Sobrang nacha-challenge ako and nadadala rin ako sa kaniya. Kasi kapag magaling katrabaho mo nadadamay ka, nasasabayan mo 'yung ginagawa niya sa work," kuwento ni Jak. -- FRJ, GMA News