Inihayag ni Kapuso Primetime King Dingdong Dantes na matagal na siyang hindi nakakapag-perform para sa mga Pilipino abroad, kaya excited na siya para sa "Sikat Ka, Kapuso!" na gaganapin sa New Jersey at Toronto.
Ang Kapuso couple naman na sina Dennis Trillo at Jennylyn Mercado, may mga inihandang ring number para mapasaya ang mga kababayan sa abroad.
Sa Star Bites report ni Cata Tibayan sa GMA News "Balitanghali" nitong Sabado, sinabing gaganapin ang "Sikat Ka, Kapuso!" sa New Jersey, U.S.A. sa Abril 7, at sa Toronto, Canada sa Abril 8.
Sa kaniyang Instagram, ipinakita ni Betong na nakarating na sila ng New Jersey.
Magkakasama sina Dingdong, Dennis, Jennylyn, Betong, Lovi Poe at Alden Richards, na pawang todo-handa na para sa show.
"Matagal ko na siyang hindi nagagawa and I'm very excited to do this in front of our Filipino audience," sabi ni Dingdong.
"Sina Jen meron silang mga dance number, kami meron kaming kaunting dance din. May mga duet marami eh. Kumbaga isa siyang variety show," sabi naman ni Dennis.
"Ta-try namin na pasayahin lahat ng mga Pilipino ng manonood," saad ni Jen.
"Mararamdaman nila na they're closer to home talaga," sabi naman ni Lovi.
May side trip din si Alden sa Las Vegas at New York matapos ang show.
"Hello mga Kapuso! Excited na po kaming makita kayong lahat diyan sa New Jersey and Toronto this coming April 7 and 8," ayon sa Pambansang Bae.
Host para sa Sikat Ka, Kapuso! si Betong.
"Tayo'y magsasayawan, kantahan, tawanan 'yun, iba't ibang flavor ang hatid naming lahat," anang komedyante.
Handog ng GMA Pinoy TV, GMA Life TV at GMA News TV ang Sikat Ka, Kapuso! -- Jamil Santos/FRJ, GMA News
