Ikinuwento ng Kapuso actor na si Jeric Gonzales sa programang "Tunay Na Buhay" kung gaano kasimple ang buhay ng kaniyang pamilya sa Calamba, Laguna bago siya pumasok sa showbiz.
Sa panayam ni Rhea Santos, sinabi ni Jeric na maagang nagretiro noon ang kaniyang ama sa trabaho kaya ang kanilang ina ang naiwan na naghahanap-buhay para sa pamilya.
Bagaman patuloy naman daw gumagawa ng paraan ang kanilang ama na makadagdag ng suporta, sadya raw kinakapos sila sa pinansiyal.
Bunso sa apat na magkakapatid si Jeric at naging varsity player sa paaralang pinapasukan.
Pero dahil na rin sa kinakapos sila sa gastusin, naranasan daw nilang magkapatid na maghiraman ng sapatos na gagamitin sa basketball.
"Naghihiraman kami ng kuya ko," natatawa niyang pag-amin."Tapos isa lang talaga, kung mayroon kang shoes, talaga iingatan mo na 'yon, matagal mo nang gagamitin 'yon."
Pag-amin pa ni Jeric, masyado siyang malapit sa kaniyang pamilya kaya hindi niya naiwasang ma-homesick nang ilang buwan siyang nalayo nang sumali sa talent show na "Protégée" ng GMA.
Mahiyain daw siya mula noon, hanggang ngayon kahit na artista na.
Nang tanungin tungkol sa love life, sinabi ni Jeric na nananatili siyang single.
Sinabi naman niya na ang mga katangian na hinahanap niya sa babae ay magaling kumanta, maputi, cool kasama, masunurin sa magulang at slim.
Panoorin ang buong panayam ng "Tunay Na Buhay" kay Jeric:
Click here for more GMA Public Affairs videos:
--FRJ, GMA News
