Tahimik at "kuya" kung ilarawan ng kaniyang mga nakatrabaho ang "Kambal, Karibal" leading man na si Jeric Gonzales. At dahil na rin sa kaniyang talento sa singing at acting, certified heartthrob kung maituturing ang Kapuso actor.
Sa programang "Tunay Na Buhay" ni Rhea Santos, ikinuwento ni Jeric na nakilala niya ang kaniyang manager nang sumali siya sa Ginoong Laguna noong 2012, at nanalo siyang first runner up.
"Nu'ng una pa lang niya akong nakita, ang sabi niya, hindi raw puwede na hindi ako maging artista," sabi ni Jeric.
Sa nasabi ring taon, subukan niya ang kaniyang pagkakataong maging artista sa pagsali sa reality talent search ng GMA na "Protégé," kung saan nakasabayan niya sina Ruru Madrid at Thea Tolentino.
Sabi ni Thea, "15 ako nu'n, tapos si Jeric yata mga 19. Nakikita ko siya na tahimik talaga tapos as in kuya 'yung tingin ko sa kaniya."
Kuwento naman ni Ruru, "Kami na talaga 'yung magkasama lagi, kaming tatlo 'yun, Jeric, Mikoy. Si Jeric siya 'yung tipong naging kuya ko na rin, gina-guide niya ako kung ano ang dapat kong gawin."
Itinanghal na mga grand winners sina Jeric at Thea sa "Protégé." At matapos nito, ini-launch na sila bilang bagong love team.
Nagkasama sina Jeric at Thea sa spin-off ng 90's TV series "TGIS" na "Teen Gen" (2012), "Pyra, Ang Babaeng Apoy" (2013), at "Paraiso Ko'y Ikaw" (2014).
Bagama't magka-love team, hindi naman daw sila na-develop ni Thea, ayon kay Jeric.
"Wala eh. Pero sabi ko naman na from the start, siya 'yung crush ko sa 'Protégé.' Sabi niya, crush niya rin daw ako," saad ng aktor.
Bakit baguhan, proud si Jeric nang makatrabaho niya ang Superstar na si Nora Aunor sa pelikulang "Hustisya" noong 2014. Isa naman sa mga paborito niyang proyekto ang "Destiny Rose" noong 2015.
Paliwanag ni Jeric, nag-audition rin siya sa role ng transgender character na si Destiny Rose, at sila ni Ken Chan ang naglaban sa final audition pero nakuha ni Ken ang lead role.
Gumanap na rin bilang superhero si Jeric sa fantaserye na "Super Ma'am" (2017).
At ngayon, gumaganap si Jeric bilang si Makoy sa extended primetime series na "Kambal, Karibal," ang best friend ni Crisanta (Bianca Umali).
"Ako na talaga 'yung best friend niya. So palaging 'yan yung napupunta sa aking role, best friend, third wheel. Ako palagi 'yung may gusto sa babae pero hindi ako gusto," ayon kay Jeric.
"Si Jeric tahimik lang siya minsan pero 'pag kinausap mo naman, meaningful conversations 'yung mga pag-uusapan," komento ng katrabaho niyang si Miguel Tanfelix.
Nang tanungin kung ano ang aral ng tunay na buhay ni Jeric, tugon niya, "Hindi mo alam kung ano ang ibibigay sa'yo ni God. Kung ano man 'yon, it's a gift, hindi mo alam eh, baka du'n ka suwertehin, du'n ka dalhin, du'n ka talaga nararapat."-- FRJ, GMA News
