Hindi bababa sa limang tao ang nasawi sa engkuwentro ng militar at mga hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Cauayan, Negros Occidental.
Sa ulat ng GMA Regional TV One Western Visayas nitong Lunes, inihayag ng mga awtoridad na nasa apat na beses nangyari ang engkuwentro noong Mayo 16, 2026 sa mga bulubunduking lugar ng Barangay Abaca at Barangay Poblacion.
Naganap umano ang unang engkuwentro sa Barangay Abaca dakong 6:00 am, at sinundan makalipas ang isang oras dakong 7:00 am, at naulat dakong 2:00 pm.
Ang huling engkuwentro ay nangyari sa Barangay Poblacion dakong 5:00 pm.
“We decided an operation na i-pressure sila to surrender. Pero lumaban pa rin sila. Kada pasok nila sa area, nagsusumbong sa’tin ‘yung mga tao dun sa barangay. When the troops arrived in the area, they were immediately fired upon by the NPAs,” ayon kay BGen. Jason Jumawan, Commander ng 302nd Infantry Brigade.
Ang mga nasawing rebelde ay silang nasa likod umano ng pagpatay sa 23 sibilyan noong 2025, at tatlong iba pa noong 2026.
“Since last year, marami na silang napatay. Twenty-six na ‘yung kanilang napatay, both in Negros Occidental and Negros Oriental, including ‘yung 74-year-old na lola,” sabi ni Jumawan.
Dahil sa mga engkuwentro, nasa 116 pamilya o 400 tao ang lumikas, na nakabalik din sa kanilang mga bahay kinabukasan. – FRJ GMA News
