Isang 16-anyos na dalagita ang pupunta lang sana sa tindahan matapos na utusan na magpa-load ang hindi na nakauwi sa kanilang bahay sa Davao City. Ang biktima, natagpuang patay at posibleng hinalay pa.

Sa ulat ni RGil Relator sa GMA News TV "Balita Pilipinas" nitong Martes, sinabing mismong ang kapatid ang nakakita sa bangkay ng biktimang si Rea Manila sa Libby Road sa barangay Bago Gallero.

Ayon sa pulisya, may mga pasa sa mukha at sa iba't ibang parte ng katawan ang biktima.

Bago nito, sinabing lumabas ng bahay ang biktima para magtungo sa tindahan upang magpa-load matapos na utusan.

Nang hindi na nakabalik, hinanap na ito ng mga kaanak hanggang sa makita ang kaniyang bangkay na nakababa ang pantalon at punit ang underwear.

Sa follow-up operation, nahuli ang suspek na si James Narte, na residente sa lugar. Ngunit itinanggi niya ang paratang laban sa kaniya.

Hinihintay ng pulisya ang resulta ng DNA test sa suspek.

Nanawagan naman ng tulong kay Pangulong Rodrigo Duterte ang ina ng biktima para mabigyan ng hustisya ang anak.

Inatasan naman ni Davao City Mayor Sara Duterte ang pulisya na lutasin ang krimen.-- FRJ, GMA News