Ipinasilip ng Kapuso young star na si Kate Valdez ang kaniyang pre-debut photoshoot by the pool and by the sea na ginawa sa Laiya, Batangas. Pero sa halip na magarbong party sa kaniyang birthday celebration, nais niyang gawin itong simple at intimate.

Sa Chika Minute report ni Cata Tibayan sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing kitang-kita ang kagandahan ni Kate sa iba't ibang outfit na sinuot nito sa pictorial.

"First time ko mag-shoot ng ganito sa dagat, sa pool nakaka-excite at nakaka-cool down," saad ni Kate na gumanap na Sang'gre Mira sa "Encantadia."

Sa August 21 ang birthday ni Kate na nais makasama ang kaniyang mga kaanak at malalapit na kaibigan sa isang simple at intimate dinner.

Imbitado ang kaniyang co-stars sa "Encantadia" gaya nina Mikee Quintos, Arra San Agustin at Klea Pineda.

"Dinner, iisang table lang kami so mas maraming kuwentuhan at catch up sa mga friend, lalo na sa pamilya matagal na rin na hindi ko sila nabibisita," saad niya.
Bukod sa pre-debut shoot, abala rin si Kate sa taping ng upcoming soap na

"Onanay," kung saan kasama niya si Mikee, Jo Berry at ang mga premyadong aktres na sina Nora Aunor at Cherie Gil.

Sinabi ni Kate na malaking hamon sa kaniya ang role na isang bratinela, na anak ni Cherie.

"Hindi mawawala yung kaba at pressure. Kapag nasa set may kaunting kwentuhan bago mag-take kaya nakakawala rin ng pressure kahit paano," pahayag niya. --FRJ, GMA News