Nagbigay si Pastor Saycon ng paglilinaw tungkol sa nauna niyang pahayag na iniisip ni Pangulong Rodrigo Duterte na sangkot ang Simbahang Katolika sa mga plano na mapatalsik siya sa puwesto.
Isa si Saycon sa mga itinalaga ng Malacañang para makipag-usap sa iba't ibang relihiyon na umalma sa sinabi ng Pangulo na "God is stupid."
Sa isang panayam sa News To Go nitong Huwebes ng umaga, sinabi ni Saycon: "Alam mo kasi, the destablization plot against the President is real. The effort to remove him from office is something he attributes to some of the leaders of the Catholic Church. Kaya 'yung sinabi niyang yuyugyugin ko itong mga puno at malalaman ko kung sino sino iyan."
Pero ang kaniyang sinabi, itinanggi ng kaniyang kasama sa panel na si Presidential Spokesman Harry Roque.
"In the first place kampante po ang Presidente sa kaniyang pananampalataya, kampante ang simbahan sa kanilang misyon sa bayang ito," pahayag ni Roque.
Nang muling makausap ni Sandra Aguinaldo ng GMA News si Saycon upang i-klaro ang kaniyang naunang pahayag, sinabi na niyang hindi naman niya iniuugnay sa destabilization o pagsira sa katatagan ng administrasyon ang Simbahang Katolika.
"Mayroong ilang members ng church na critical sa kanya pero hindi ko naman sinasabi na nagde-destab sila. Mayroong grupo na may links sa abroad na involved sa destab," ani Saycon, na tinukoy ang Liberal Party bilang nasa likod daw ng destabilisasyon.
Itinanggi naman ito ng LP.
Sa isang text message, tinawag na walang basehan ni Liberal Party President at Senator Kiko Pangilinan ang paratang.
Paraan lamang umano ito ng administrasyon para ibaling ang atensiyon ng publiko sa laganap na korapsiyon at iba pang malalaking isyu sa bansa.
Pinabulaanan din ni CBCP-Public Affairs Committee Chairman Bishop Reynaldo Evangelista na kumikilos ang Simbahan laban sa administrasyon. —JST, GMA News
