Nakagapos, may saksak at wala nang buhay nang matagpuan ang isang lalaki sa Ayungon, Negros Oriental. Ang biktima, sinasabing lasing at napag-initan ng suspek dahil sa pagiging maingay.

Sa ulat ni Cecille Villarosa sa GMA News "Balitanghali" nitong Miyerkoles, kinilala ang biktima na si Reborfel Largado.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na natutulog umano ang suspek na si Reynold Amper nang dumating ang lasing na biktima at nag-ingay.

Nagising ang suspek at sinaway umano si Largado. Pero sa halip na tumahimik, lalo raw itong nag-ingay.

Dito na iginapos at pinagsasaksak umano ni Amper si Largado.

Dinatnan ng mga rumespondeng pulis na wala nang buhay ang biktima.

Naaresto ang suspek pero hindi nagbigay ng pahayag sa media.--Jamil Santos/FRJ, GMA News