Hindi dapat ikagalak ang deklarasyon ng Martial Law noong 1972, na inaalala ng buong bansa sa araw na ito.
"Ang Martial Law ay iligal, imoral, at ito po ay hindi kalooban ng Diyos," pahayag ni Father Anton Pascual sa panayam sa Radio Veritas nitong Biyernes.
Si Fr. Pascual ay ang taga-pangulo ng Radio Veritas at executive director ng Caritas Manila.
Iginiit ng pari na ang Batas Militar sa ilalim ng diktadurya ng yumaong Ferdinand Marcos ay "isang uri ng kalamidad na likha ng tao."
Dagdag niya, ang yugto na iyon ng kasaysayan ng bansa ay isang madilim na karanasan ng mga Filipino dahil sa pag-iral ng iba't ibang uri ng karahasan sa lipunan na "Hindi na dapat maulit."
Magpahanggang sa ngayon, giit ng pari, nararanasan pa ng Pilipinas ang epekto ng Martial Law tulad ng patuloy na pag-iral ng korapsyon sa pamahalaan, pagpapatupad ng mga polisiya kahit na hindi nakasusunod sa "rule of law," at hindi paggalang sa demokratikong istitusyon ng pamahalaan.
Ayon kay Pascual, sa isang Kristiyanong pamayanan, "hindi dapat pairalin ang batas militar sapagkat naniniwala ang mananampalataya sa absolute respect for every human being."
Ika-21 ng Setyembre 1972 ng lagdaan ni dating pangulong Ferdinand Marcos ang Proclamation No. 1081 na nagdeklara ng Martial Law sa buong bansa.
Sa tala ng Amnesty International ay 70,000 katao ang iligal na inaresto; 34, 000 ang pinahirapan; at mahigit sa 3, 000 ang pinaslang ng mga awtoridad sa panahong iyon.
Nauna nang iginiit ng mga lider ng Simbahang Katolika sa bansa na hindi dapat muling mangyari ang Martial Law lalo na ang mga karahasan na lubos nakakaapekto sa mga mamamayan, partikular sa maliliit na sektor ng lipunan. —LBG, GMA News
