Aakalain mong airport ang Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX) dahil sa fully-air-conditioned building, centralized ang automated ticketing system, at ang restroom ,may shower. Ang kauna-unahang landport terminal, magrererbisyo sa mga pasahero ng mga bus, UV express, at mga jeep.
Sa ulat ni Darlene Cay sa GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, sinabing mayroon ding gates para sa arrival at departure, libreng charging stations, free WiFi, at luggage carts ang PITX.
Proyekto ito ng Megawide Corporation at Department of Transportation (DOTR), na seserbisyuhan ang mga sasakyan na mangggaling sa hilagang kanluran ng Maynila o mga dadaan sa Cavitex at Coastal Road.
Mayroon pa itong CR para sa babae, lalaki, PWD, pati na rin all gender restroom.
May prayer room din para sa lahat ng relihiyon.
Dahil sa iisang terminal na lang, hindi na kailangan pang magbaba o kumuha ng pasahero sa iba't ibang mga kalsada. Layon nitong paluwagin ang EDSA at iba pang mga kalsada.
Nagpaplano pa ang gobyerno na magkaroon ng dalawa pang landports sa ibang bahagi ng Metro Manila.
Tinatayang 100,000 commuters araw-araw ang inaasahang seserbisyuhan ng PITX.
"The purpose nitong landport is primarily to de-congest the traffic here in Metro Manila. It's also here to uplift the commuting experience and the lives of the everyday Filipino commuter as well," sabi ni Mariano Antonio Arroyo Jr. General manager, PITX.
Ayon kay DOTR Asec. Mark de Leon, inaasahan nilang magiging fully-operational ang PITX sa Nobyembre.
Hindi rin daw sisingil ng terminal fee ang landport sa mga pasahero, kundi kailangan lang nilang magbayad ng extra fee ng kanilang biyahe.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
