Patay ang isang lalaki at dalawa naman ang sugatan matapos sumabog ang isang steam boiler sa isang pagawaan ng sardinas sa Zamboanga City noong Martes.

Ayon sa ulat ni John Consulta sa Balitanghali, dead on the spot ang assistant mechanic na kinilala na si Zacarias Rico. Sugatan naman ang dalawa pang tauhan ng planta na sina Francisco Dumagal, Jr. at Mark Anthony Villaflores.

Sa mga larawan at video, makikitang wasak ang mismong steam boiler sa pagsabog. Napinsala rin ang bubong hanggang sa labas ng boiler building.

Base sa inisyal na impormasyon galing sa pulisya, posibleng nagka-problema sa gauge ang steam boiler sa gitna ng paggawa ng sardinas bago mag-tanghali ng Martes.

"May certain pressure kasi dapat 'yung boiler i-maintain. 'Yung allegation ng operator ay nasira 'yung gauge at naging baligtad 'yung reading. Nu'ng nag-isip sila na patayin 'yung makina, eh after nu'n, biglang sumabog," paliwanag ni Police Major Chester Natividad, hepe ng Ayala Police Station 9.

Ayon sa report, patuloy pa nilang sinisikap na makuha ang panig ng pamunuan ng planta. 

May ilang factory worker din daw na hinimatay at dinala sa pagamutan, at kaagad ding ipinalabas ang iba pang mga manggagawa kasunod ang pagsabog at sunog. 

Ayon sa kagawad na si Christian Bascones, "Tututukan natin para mabigyan ng sapat na assistance ang mga biktima." —Margaret Claire Layug/LDF, GMA News