Nauwi sa krimen ang matagal na umanong hindi pagkakaunawaan ng mag-amain sa Bacolod City. Nangyari ito nang maghamon umano ng away ang biktima.
Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Libert Villanueva. Tumakas at pinaghahanap naman ang suspek na si Reynaldo Robles.
Ayon sa mga awtoridad, napikon ang suspek nang komprontahin siya ng lasing na biktima na humantong sa pamamaril ng una sa huli.
Naisugod pa sa ospital si Villanueva pero namatay habang ginagamot.
Ayon sa kanilang mga kaanak, matagal nang may hindi pagkakaunawaan ang dalawa.
Pinaghahanap na si Robles para papanagutin sa kaniyang ginawa.--FRJ, GMA News
