Itinalaga ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si dating Interior Secretary Benhur Abalos bilang Cabinet Secretary, ayon sa Malacañang.
Ayon kay Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro, inaasahang manunumpa si Abalos sa kaniyang bagong tungkulin ngayong araw.
Sinabi ni Castro na tutulong si Abalos sa Pangulo sa pamamagitan ng pagbibigay ng maagap, mahalaga, at estratehikong payo hinggil sa mga usapin sa loob at labas ng bansa, at maging sa lokal.
Maaari din umanong italaga ng Pangulo si Abalos bilang kaniyang kinatawan o tagapag-ugnay sa mga pambansang ahensiya ng pamahalaan, mga lokal na pamahalaan, mga organisasyon at partidong pampulitika, mga civil society organization, at sectoral groups tungkol sa mga usaping politikal.
Bukod dito, pamumunuan ni Abalos ang Strategic Action and Response Office at mangangasiwa sa lahat ng mga tanggapang nasa ilalim nito, ayon pa kay Castro.
Nagsilbi si Abalos bilang Kalihim ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa ilalim ng administrasyong Marcos mula 2022 hanggang 2024.
Tumakbo siya bilang senador sa halalan noong Mayo 2025 ngunit natalo.
Nitong huling bahagi ng Mayo, itinalaga rin ni Marcos si Francis Tolentino, na natalo ring kandidatong senador sa nagdaang halalan noong 2025, bilang acting secretary ng Department of Labor and Employment (DOLE).
Nangyari ang pagtalaga sa dalawa matapos magwakas ang one year ban sa mga natalong kandidato na makapuwesto sa gobyerno na itinatakda sa Konstitusyon. — FRJ GMA News

