Masama umano ang pakiramdam kaya hindi nakadalo si Pangulong Rodrigo Duterte sa selebrasyon ng National Heroes Day sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City nitong Lunes. Pero paliwanag ni Senador Bong Go, walang dapat ikabahala sa kalusugan ng pangulo.
Sa ulat ni Cedric Castillo sa GMA News TV "Balitanghali," sinabing pangkaraniwang karamdaman lang umano para sa isang may edad ang nararamdaman ni Duterte kaya hindi na siya nakadalo sa pagtitipon.
Ayon sa kilalang malapit sa pangulo na si Sen. Go, na nagsilbing kinatawan ng Senado sa pagtitipon sa Libingan ng mga Bayani, "indisposed" ang Pangulo at kailangan lang magpahinga.
Ang naramdaman umano ng pangulo ay bunga umano ng ng tambak na trabaho, mga papeles na kailangang pirmahan at mga pagpupulong na dinaluhan nitong nakaraang weekend tulad ng pagkikita nila ni MNLF Founding Chair Nur Misuari.
Tiniyak naman ni Go na walang dapat ipag-alala sa karamdaman ni Duterte, at sinabing natural lamang sa edad ng pangulo na mangailangan ng pahinga.
Bagaman hindi pumunta sa pagtitipon kaninang umaga, lilipad naman daw si Duterte sa hapon sa Calbayog, Samar para sa dalawang sundalong napatay sa engkwentro sa NPA noong Sabado.-- FRJ, GMA News
