Himalang nakaligtas ang tatlong sakay ng isang SUV matapos itong mahulog sa tulay diretso sa ilog sa Quirino Highway, Barangay San Diego, Tagkawayan, Quezon nitong Lunes ng hapon.

Ayon sa Tagkawayan Municipal Police Station, galing Bicol ang SUV at patungo sana sa Maynila ng sumabog ang isang gulong nito sa unahan.

Nawalan ng control sa manibela ang SUV at sumalpok sa barandilya ng tulay hanggang sa mahulog.

Masuwerteng may tubig ang ilog dahil sa pag-ulan. Kung wala raw tubig sa ilog ay maaaring hindi nakaligtas ang tatlo dahil may kataasan ang tulay at puro bato rin ito.

Agad na na-rescue ang tatlong sakay ng SUV na nagtamo ng sugat sa katawan at bali sa buto.

Sa mga oras na ito ay hindi pa rin nakukuha sa ibaba ng tulay ang SUV na nagtamo rin ng matinding sira. —KG, GMA News