Natimbog ng mga awtoridad ang lalaking naghagis umano ng granada sa isang restaurant malapit sa Malacañang noong Setyembre 14.

Ayon sa ulat ni Allan Gatus sa Dobol B sa News TV nitong Miyerkoles, kinilala ng mga awtoridad ang suspek bilang si Luis Cariño, 38, residente ng Tondo, Maynila.

Ayon sa Quezon City Police District, naaresto ang suspek matapos nitong takbuhan ang isang checkpoint sa may Mindanao Avenue.

 

 

Sabi ng mga awtoridad, hindi raw nakasuot ng helmet ang suspek habang sakay ng isang motorsiklo. Bigo rin ang suspek na mapakita ang kaniyang lisensya at certificate of registration ng kaniyang motorsiklo sa mga pulis.

Isang granada at ilang pakete na naglalaman ng hinihinalang shabu ang narekober mula sa suspek.

Matapos ang tactical interrogation, umamin ang suspek na siya ang naghagis ng granada sa may restaurant subalit siya raw ay napagutusan lamang. — Anna Felicia Bajo/RSJ, GMA News