Patay ang isang guro matapos masagasaan ng isang SUV na nawalan ng kontrol sa Surigao City.

Ayon sa ulat ni Athena Imperial sa "QRT",  nahuli-cam ang insidente.

Makikita sa video na mula sa parking lot, biglang nagdire-diretso ang SUV sa kabilang bangketa sa tapat ng paaralan.

Inararo ng SUV ang mga naglalakad roon, kabilang ang limampung taong gulang na gurong si Lucita Josue.

Dead on arrival sa ospital ang biktima.

Sugatan naman ang isa pang pedestrian na si Arhil Paglinawan.

Base sa imbestigasyon ng pulisya, nawalan ng kontrol sa suv ang driver nitong si Domenico Larong.

Nasugatan din siya matapos tumagilid ang kanyang sasakyan.

Wala pang pahayag ang pamilya ng biktima kaugnay sa insidente.

Gayundin ang driver na nagpapagaling pa sa ospital.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya sa insidente. —NB, GMA News