Nag-uwi ng karangalan ang "Kapuso OST Princess" na si Hannah Precillas matapos siyang mag-third place sa Indonesian singing competition na Dangdut Academy Asia 5.
Si Hannah ang tanging Pinoy na nakapasok sa grand finals, ayon sa Chika Minute report ni Aubrey Carampel sa GMA News "24 Oras" nitong Martes.
Nagpakitang-gilas si Hannah at pinahanga ang mga judge at Indonesian audience sa mga kinanta niyang dangdut songs, isang genre ng Indonesian folk music.
Naging hamon para kay Hannah ang aralin ang mga Indonesian songs sa maiksing panahon.
Kuwento ni Hannah, ang isang kanta na inawit niya ay pinag-aralan niya sa umaga at kinanta niya sa kompetisyon kinagabihan.
Nakatunggali ni Hannah sa mahigit dalawang buwan ng paligsahan ang iba pang singers mula sa iba't ibang bansa tulad ng Singapore, Thailand at Brunei.
Hindi rin sinayang ni Hannah ang pagkakataon na kumanta ng Filipino song, kung saan isa sa kaniyang naging contest piece ang mash-up ng kantang "Ako'y Pilipino" at isang Indonesian song.
"Sinadya ko po talagang lagyan ng ganoon and pinili ko po 'yung song na 'yun since I'm standing as a Filipino, I'm waving the flag of Philippines. So gusto ko pong dalhin 'yung name ng Pilipinas, 'yung kanta ng Pilipino para marinig din ng mga Indonesians," sabi ni Hannah.
Malayo sa Pilipinas si Hannah sa pamilya ngayong Pasko, pero masaya naman siya na irepresenta ang bansa sa international stage.
Sa Indonesia na rin magdidiwang ng New Year si Hannah dahil may performance pa siya sa New Year special ng Indosiar, ang TV network ng Dangdut Academy Asia.
"I always feel blessed and it's a big accomplishment for me, it's a great experience as a singer, as an artist na ma-try din po 'yung ibang genre," sabi ni Hannah.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News
