Nakalabas na umano ng ospital ang 38-anyos na babaeng Chinese na naging kauna-unahang kompirmadong kaso ng 2019 novel coronavirus (2019-nCoV) sa Pilipinas.
Sa pulong balitaan nitong Lunes, sinabi ni Department of Health (DOH) Undersecretary Eric Domingo, na dalawang beses nang nag-negative sa pagsusuri ang pasyente.
“The patient was discharged on Saturday, I believe. Because the last test done on Thursday or Friday turned out negative and that was the second negative test,” ayon kay Domingo.
Dumating sa Pilipinas ang babae at ang kaniyang nobyo na pawang turista noong Enero 21 mula sa Hong Kong. Kapwa nanggaling sa Wuhan sa China ang dalawa.
Positibo rin sa virus ang 44-anyos niyang nobyo, na kauna-unahang nasawi sa Pilipinas [at kauna-unahang sa labas ng China] dahil sa nCoV.
Samantalang nitong Pebrero 6, nagnegatibo na sa virus ang babaeng pasyente.
Nasa mahigit 300 katao pa ang iniimbestigahan dahil sa posibilidad ng nCoV infection sa Pilipinas, ayon kay Domingo.
Nananatiling tatlo pa lang ang kompirmadong nCoV case sa Pilipinas, kabilang ang isang 60-anyos na Chinese na babae na nakabalik na sa China at sinasabing gumaling na rin. —FRJ, GMA News
