Napapakinabangan nina Mylene Dizon at Kyline Alcantara ang kanilang mga bakuran ngayong ipinatutupad na enhanced community quarantine dahil sa kani-kanilang vegetable gardening o backyard farming.

Sa Chika Minute report ni Nelson Canlas sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, sinabing bagong hobby ngayon ni Mylene ang vegetable gardening, na mungkahi ng gobyerno para makatulong sa supply ng pagkain.

"Naumpisahan ko ito noong lockdown, kasi dati noong nagte-taping ako lagi hindi ko naman masyadong nabibigyan ng pansin. Pero ngayon araw-araw at least naaasikaso ko 'yung garden ko. Importante kasi 'yung food security lalo na sa mga panahon na ito," sabi ni Mylene.

Nagba-backyard farming na rin ang "Bilang Ang Bituin sa Langit" co-star niyang si Kyline sa kaniyang probinsya sa Bicol.

Ayon kay Kyline, malaking tulong ang tanim nila sa pang-araw-araw na pagkain ngayong may lockdown.

"Dahil katulad nga po ngayong lockdown, hindi po natin kailangang maging dependent sa palengke at makakatulong pa po tayo sa ating frontliners dahil mas male-lessen pa po ang ating paglabas-labas," sabi ni Kyline.

Bukod sa vegetable gardening, ibinahagi rin ni Myline ang kaniyang pinagkakaabalahan na workout from home.

Ibinahagi niya ang ilan niyang workout videos sa Instagram, at nagbigay din ng mga tip para maiwasang sabay-sabay na lumabas ng bahay para bumili ng mga pangangailangan.

Bayanihan daw ang ginagawa nilang magkakapitbahay sa Silang, Cavite.

"Nagtawagan kami ditong mga kapitbahay, baka kasi puwede mo nang isabay 'yung mga kailangan nila sa bahay. Pero siyempre, hindi mo naman dadamihan 'yung listahan mo, konti lang naman. 'Yung mga puwedeng ipakisuyo tulad ng konting bigas o asin o toyo, kung ano man. Tapos siyempre, ibabalik mo din 'yun," sabi ni Mylene.

"Kung ikaw naman ang kailangang lumabas ng village, itatawag mo rin sa kanila dahil baka meron din silang gustong ipakisabay," sabi ni Mylene.--Jamil Santos/FRJ, GMA News