Labis ang kasiyahan nina Elijah Alejo at Althea Ablan na magkakaroon ng Book 2 ang hit Kapuso series na "Prima Donnas." Ano nga ba ang inaasahan nilang mangyayari sa kani-kanilang karakter.

Sa video ng ArtisTambayan, sinabi ni Elijah na dapat abangan sa book 2 ng serye kung ano ang mangyayari sa kaniyang karakter na si Brianna na kinamuhian ng marami.

"Tingnan natin kung talagang mabait na ba si Brianna," anang teen star. "Kasi ano rin 'to minsan si Brianna medyo moody din eh."

Samantala, umaasa naman si Althea na mabubuo na silang tatlong magkakapatid na "Donnas" sa book 2 dahil hindi nila nakasama ni Jillian Ward (Donna Marie) sa ending ng book 1 si Sofia Pablo (Donna Lyn).

Dahil sa COVID-19 health protocols sa taping na bawal ang mga 15-anyos pababa, pinalabas sa serye na nag-aaral sa abroad si Donna Lyn.

Ayon kina Elijah at Althea, wala pa silang idea kung ano ang magiging takbo ng istorya ng "Prima Donnas" sa book 2, na kaagad hinulaan ng mga manonood nang dumilat ang mata ng kontrabidang si Kendra na ginagampanan ni Aiko Melendez habang nakaratay.

Pero sabi ni Althea, isa sa mga inaasahan niya ay kung ano ang mangyayari sa kaniyang karakter kung tuluyan na ba siyang magiging "girlie" mula sa dating may pagka-boyish.

"Tingnan natin kung magiging girlie ba siya something ganyan kasi di ba, kasi si Brianna dahan-dahan niya rin aking tinuturuan manamit di ba? So let's see [sa book 2]," ani Althea.--FRJ, GMA News