Isang compound sa Sampaloc, Maynila ang nasunog nitong Miyerkoles nang madaling araw at hinihinala itong sinadyang sunugin.

Nabalot ng apoy at makapal na usok ang nasabing compound matapos sumiklab ang sunog mag-aalas dos ng madaling araw kanina.

Ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP), nasa mahigit isang ektarya ang lawak ng compound.

Sa panayam ng GMA Integrated News sa 21-anyos na caretaker na si alyas Jay, natutulog siya nang bigla siyang gisingin ng ilang armadong kalalakihan.

Tinutukan aniya siya ng baril ng mga ito bago pinadapa at ginapos ang kanyang mga kamay.

"'Di ko, sir, na alam, sir, kasi mga naka-face mask. Naka-pangtakip ng mukha po eh. Basta anim or limang motor 'yung nakita ko," aniya.

 

Hindi raw niya alam kung nakalabas na yung dalawa pang ibang caretaker.

Wala raw noon sa compound ang kanilang amo.

Ayon sa chairman ng barangay, iniimbestigahan na ng pulisya ang insidente.

Sira raw ang CCTV na nakatutok sa lugar pero baka nahagip daw sa ibang CCTV ang sinasabing mga armadong lalaki.

Nilagyan na ng kordon ng Manila Police District at BFP ang gate ng compound.

Umabot sa ikalawang alarma ang sunog, ayon sa BFP. Dahil dito, rumesponde ang halos 40 truck ng bumbero.

Tumagal ng halos dalawang oras bago nakontrol ang sunog bago mag-alas kuwatro ng madaling araw.

Nagdeklara ang BFP ng fire out nitong 5:28 a.m.

Sabi ng BFP, pawang mga PVC umano at mga construction materials ang laman ng compound.

Aabot sa P6 milyon ang tinatayang halaga ng mga napinsalang ari-arian.

Ayon sa BFP, posibleng nakalabas na kanina ang dalawa pang caretaker na hinahanap.

Patuloy ang imbestigasyon ng BFP sa pinagmulan ng sunog na hinihinalang arson.

Samantala, isang bag naman ang na-secure ng BFP at susuriin daw ito ng Explosive Ordnance Disposal unit o EOD ng pulisya. —KG, GMA Integrated News