KUALA LUMPUR — Nanawagan si Speaker Ferdinand Martin Romualdez nitong Lunes sa mga mambabatas ng ASEAN na ipaglaban ang umiiral na pandaigdigang kaayusan batay sa batas at protektahan ang karagatan ng rehiyon.

Sa kaniyang talumpati sa harap ng mga pinuno ng estado at mga lider ng lehislatura sa ika-14 na ASEAN Leaders Interface with Representatives of the ASEAN Inter-Parliamentary Assembly (AIPA), binigyang-diin ni Romualdez ang mahalagang papel ng lehislatura sa pagtiyak ng kapayapaan, kaunlaran, at soberanya ng rehiyon.

“We must move as one — translating ASEAN’s collective aspirations into concrete policies that empower our workers, farmers, and fisherfolks, protect our seas, connect our digital economies, and defend the rules-based international order,” ayon sa lider ng Kamara de Representantes.

“This includes upholding the 1982 United Nations Convention on the Law of the Sea or UNCLOS, which guarantees peace, security, and sovereignty for all,'' dagdag ni Romualdez.

Sinabi rin ng kongresista, na nakasalalay sa matatag na pagsunod sa pandaigdigang batas ang kapayapaan at kaunlaran ng rehiyon, lalo na sa harap ng lumalalang pandaigdigang pagkakabaha-bahagi at mga panlabas na banta sa integridad ng karapatan ng bawat bansa sa nasasakupang karagatan.

Bilang pinuno ng mababang kapulungan ng Kongreso, sinabi ni Romualdez na sinisiguro niya ang mga batas sa Pilipinas ay hindi lamang tumutugon sa kasalukuyan kundi maging para sa hinaharap.

"It must be catalytic, not just reactive," giit ni Romualdez.

Muling pinagtibay ng lider ng Kamara ang buong suporta ng Kongreso ng Pilipinas sa pagsusulong ng mga prayoridad ng rehiyon sa pamamagitan ng mga batas na magpapatibay sa seguridad sa pagkain, renewable energy, digital infrastructure, cyber defense, at green, inclusive growth.

“We believe the role of AIPA is not only to support ASEAN’s vision — but to shape it — boldly and bravely,” ani Romualdez.

Hinimok din ng lider ng Kamara ang mga mambabatas ng ASEAN na yakapin ang kanilang papel, hindi lang bilang mga gumagawa ng mga batas kundi bilang mga tagapag-ugnay ng mga kultura at henerasyon.

Muling iginiit ng AIPA ang matibay nitong suporta sa kapayapaan, pandaigdigang batas, at katatagan ng rehiyon.

Nanawagan din ito ng patuloy na dayalogo at diplomasya sa pagtugon sa mga isyung pang-geopolitikal gaya ng mga sitwasyon sa Myanmar, South China Sea, Gaza, at Ukraine. — mula sa ulat ni Anna Felicia Bajo/FRJ, GMA Integrated News /FRJ, GMA Integrated News