Patay ang tatlong menor de edad na magkakaanak matapos ma-trap sa sunog sa kanilang bahay sa Bulakan, Bulacan.

Sa ulat ni Jonathan Andal sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, makikita ang labis na hinagpis ng mga kaanak ng mga biktima nang isa-isang inilabas ang kanilang mga bangkay na nakasilid sa mga body bag sa Barangay Bambang.

Nasawi ang mga biktima na magkapatid na 16-anyos at 14-anyos, at kanilang pinsan na isang taong gulang pa lamang.

Batay sa mga kapatid ng dalawa sa mga nasawi, nasunog ang isang extension wire kung saan nakasaksak ang isang electric fan sa bahay ng mga biktima.

Pagkakatok ng nakababata nilang kapatid sa kuwarto, wala nang sumasagot.

Doon na tuluyang lumaki ang sunog.

Pasado 1 p.m. nang makatanggap ng tawag ang BFP at agad ding rumesponde sa sunog na umabot sa unang alarma.

Idineklara itong fire out matapos ang kalahating oras.

Patuloy ang imbestigasyon sa sanhi ng sunog. —Jamil Santos/VBL, GMA Integrated News