Isang sawa ang natagpuan sa loob ng makina ng sasakyan sa isang smoke emission testing center sa lungsod ng Tagum, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Martes. 

Ayon sa ulat, dinala ng may-ari ang naturang sasakyan sa isang smoke emission testing center. Ngunit sa pagbubukas ng hood ng sasakyan, tumambad sa kanila ang sawa.

Kwento ng may-ari, matagal na raw hindi ginagamit ang kanilang sasakyan at nakaparada lang ito malapit sa isang sapa. 

Nailigtas ang sawa at maayos itong na-turn over sa City Environment and Natural Resources Office (CENRO) ng Tagum.

Ayon sa CENRO, posibleng napilitang humanap ng masisilungan ang sawa dahil sa pagbabago ng panahon o pagkawala ng natural na tirahan nito. 

Muling pinaalalahanan ang publiko na laging suriin ang mga sasakyang matagal nang hindi nagagamit, lalo na kung nakaparada ito malapit sa mga likas na lugar tulad ng ilog, gubat, o sapa.

Wala namang naiulat na nasaktan sa insidente. —Sherylin Untalan/ VAL, GMA Integrated News