Pinabulaanan ng kampo ni Charlie “Atong” Ang ang paratang ni Julie "Dondon" Patidongan na ang negosyante umano ang utak sa nawawalang mga sabungero na sinasabing mga patay na. Ayon sa kampo ni Ang, tinangka umano ni Patidongan na kikilan ang negosyante ng P300 milyon.

Si Patidongan ay si “Alyas Totoy,” na isa sa mga akusado sa kaso ng nawawalang mga sabungero na nais na maging testigo ngayon. Dati umano siyang chief of security sa mga farm ng mga panabong na manok ni Ang.

Ayon kay Atty. Lorna Kapunan, abogado ni Ang, tinangka umano ni Patidongan na kikilan ng P300 milyon ang negosyante at iba pang miyembro ng board.

Idinagdag pa ni Kapunan na gumawa ng kuwento si Patidongan nang malaman niya na hindi uubra ang ginagawa nitong pangingikil at sasampahan na siya ni Ang ng reklamo.

"I think all the statements are lies," sabi ni Kapunan sa GMA Integrated News.

"They're false. And I think it did come at a time when it became evident to him that Mr. Atong Ang was not going to give in his extortion of P300 million, which he also tried, attempted to several members of the board," sabi pa ng abogada.

Una rito, pinangalanan ni Patidongan si Ang at dalawang iba pa na nasa likod umano ng pagkawala ng ng nasa 100 sabungero. Idinawit din niya ang aktres na si Gretchen Barretto na may nalalaman umano sa naganap na krimen.

Sa mga naunang pahayag, sinabi ni Patidongan na patay na ang mga sabungero at itinapon ang mga bangkay nito sa Taal lake na nilagyan ng pabigat na buhangin.

Dinukot at pinatay umano ang mga biktima dahil sa hinalang nandadaya o nangtitiyope sa sabong.

Kaugnay nito, inihayag ni Kapunan na tiwala ang kampo ni Ang sa liderato ni PNP chief Police General Nicolas Torre III.

"Because he can see through the lies," ani Kapunan.

Sinabi naman ni Patidongan na ngayon lang siya lumutang at nagsalita dahil tiwala siyang hindi masusuhulan si Torre. – GMA Integrated News