Hinukay ng mga awtoridad ang nasa tatlong bangkay na walang pagkakakilanlan na ipinalibing umano sa isang pampublikong sementeryo sa Laurel, Batangas. Kaugnay ito sa paghahanap sa mga missing sabungero, at maging sa war on drugs noon na marami ang namatay.
Sa ulat ni Ian Cruz sa GMA News “24 Oras” nitong Miyerkules, sinabing dakong 1:00 pm nang may makitang mga kalansay sa hinukay na bahagi ng sementeryo na itinuro ng isang sepulturero na naglibing sa mga bangkay na tatlo o apat na taon na ang nakararaan.
Matatandaan na 2021 hanggang 2022 nang maiulat na may nawawalang mga sabungero, na ayon sa whistleblower na si Julie “Dondon” Patidongan, ay dinukot at pinatay dahil sa pandaraya umano sa sabong.
Bagaman may 34 na sabungero ang hinahanap, ayon kay Patidongan, aabot sa mahigit 100 ang mga sabungero na dinukot at pinatay umano, na ang mga bangkay ay itinapon sa Taal Lake na nilagyan ng pagbigat.
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, hinahanap ng mga awtoridad ang mga lugar na posibleng pinaglibingan ng mga sabungero na pinatay, at maging sa kampanya noon kontra illegal na droga.
“There were some victims found in 2020 that were just buried by the police because nobody claimed them in the punerarya. We’re exhuming them now as we speak because we have to find out who these people are,” anang kalihim.
“We’re setting up the DNA bank that we need to set up precisely because of those people who are missing. ‘Yung mga disappearances ng mga tao dapat ma-solve ‘yan,” dagdag niya.
Sa ulat ni Cruz, sinabi ng sepulturero na si Magdaleno Salamatin na inilibing niya ang nasa tatlong bangkay sa magkakaibang panahon, na nakita umano sa magkakaibang lugar sa isang kabundukan sa lalawigan.
Hindi umano kilala ang mga bangkay na hinihinala niyang mga salvage victim. Inaagnas na rin umano ang mga bangkay.
Nang tanungin si Remulla kung iniimbestigahan na rin nila ang drug war killings, sinabi ni Remulla na naka-focus pa rin sila sa nawawalang mga sabungero.
Gayunman, kailangan umano nilang isama ang lahat kung may pagkakaugnay ito sa dalawang kaso dahil ilan umano sa mga taong sangkot sa patayan sa drug war at maaaring may kinalaman din sa nawawalang mga sabungero.
“Yung ano eh, yung actors eh, yung mga taong involved sa what we call enforced disappearances. parang nagkaka… magkatugma na isang grupo ginamit pareho. They were part of the drug war and they were part of the disposition dito sa e-sabong,” anang kalihim.
Dadalhin ang mga makukuhang labi mula sa sementaryo sa Philippine National Police forensic group’s facility para iproseso.
Samantala, bumisita ang mga kawani ng Japanese Embassy sa Department of Justice kaugnay sa kahilingan ni Remulla na magpatulong sa paghahanap sa mga labi ng missing sabungero sa Taal Lake, at sa DNA analysis.
“Although we have a very competent crime lab, a police crime lab, and an NBI crime lab capable of looking at DNA, we’re looking at the best possible persons who can help us also. Kasi, this is not an easy task. We need all the help we can get,” sabi ni Remulla.
Sinabi ng kalihim na pinoproseso na ang mga naturang mga kahilingan.
Kamakailan lang, inihayag ng Philippine National Police na may buto ng tao na kasama sa nakuhang mga buto na nakalagay sa mga sako na naiahon mula sa lawa. — mula sa ulat ni Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA Integrated News
