Umapela si Education Secretary Juan Edgardo “Sonny” Angara sa mga lokal na pamahalaan at mga magulang na huwag basta-basta magsuspinde ng klase kahit mahina ang ulan dahil may masamang epekto sa pag-aaral ng mga estudyante ang madalas na kanselasyon ng pasok.
“Nakikiusap din kami sa publiko, mga magulang, mga estudyante, huwag natin masyadong i-pressure ang ating local government, chief executives na konting ulan mag-suspend na tayo. Dahil ‘pag sinumatotal natin ang nawawalang araw, malaki ang dagok o tama sa ating mga estudyante, yung tinatawag na learning loss,” paliwanag ni Angara sa ambush interview nitong Lunes sa paglulunsad ng expanded School-Based Feeding Program (SBFP) sa Sumulong Memorial High School sa Antipolo City.
Ayon sa kalihim, inaatasan na ngayon ng Department of Education (DepEd) ang mga paaralan na magsagawa ng make-up classes upang matiyak na makukumpleto pa rin ng mga estudyante ang kinakailangang oras sa pag-aaral.
“Yung ini-emphasize namin that there must be make-up classes kasi matindi na yung learning loss talaga. Apektado ang bata pag masyadong maraming cancellation," saad niya.
Ngunit hindi naman umano nangangailangan na gawin ang make-up sessions tuwing weekends.
“Saturday or after school kung kailan. Depende rin sa availability ng guro," dagdag niya.
Inihayag ito ni Angara sa harap na lumalalang academic performance ng mga mag-aaral, partikular sa pagbabasa at matematika.
Sinabi ng kalihim na pinalalakas ng DepEd ang mga intervention sa pamamagitan ng ARAL Program, na nagbibigay ng personalized na tutorial at remediation sessions.
“Well it's still quite significant especially sa literacy at math. So we're addressing it this year with the Aral program. Nakita natin na very effective yung pagbibigay ng personalized tutorials," patuloy ni Angara.
Pinasalamatan din niya si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil sa suporta nito sa mga reporma sa edukasyon, kabilang ang pinalawak na feeding program, pagkuha ng mas maraming guro, karagdagang silid-aralan, at pagkuha ng non-teaching staff para maibsan ang pasanin sa mga guro.
Sa inilunsad na Expanded School-Based Feeding Program na ginanap sa Antipolo, opisyal na sinimulan ang pinalawak na inisyatibo na layong maabot ang libu-libong mag-aaral sa kindergarten sa buong bansa.
Ayon kay Angara, pinalawak na ang feeding program para tumagal ng 120 araw at saklawin ang lahat ng estudyante sa kindergarten sa buong bansa na unang beses na gagawin na kasama ang lahat.
“Nasa 120 days na tayo. At the first time universal feeding, ibig sabihin lahat ng bata sa kindergarten ay kasama sa feeding program this year. Dahil yun talaga ang instruction sa amin ni Secretary Ted Herbosa ni Pangulong Marcos na palawigin, palawakin, palalimin itong school feeding program natin,” dagdag niya.
“Dati parang nasa 30-60 days lang. So ngayon umabot tayo ng 120 days," sabi pa ng kalihim.— Mula sa ulat ni Sherylin Untalan/FRJ, GMA Integrated News

