Arestado ang dalawang Chinese matapos mahulihan ng mga hindi umano lisensyadong baril at isang Chinese flag sa Barangay Valenzuela, Makati City. Ang pulisya, tinitingnan ang posibilidad kung mga dati silang POGO worker o mga espiya.
Sa ulat ni Jhomer Apresto sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, sinabing pinasok ng mga tauhan ng Makati City Police Station ang bahay na tinutuluyan ng mga dayuhan pasado 8 p.m., sa bisa ng search warrant.
Bumungad sa mga awtoridad ang samu’t saring kalibre ng baril na mga hindi lisensyado umano o itinuturing na loose firearms.
Sinabi ng pulisya na ikinasa nila ang operasyon matapos makatanggap ng timbre ng isang informant laban sa mga dayuhan na naglalabas-masok sa bahay habang dala-dala ang mga baril.
Kabilang sa mga narekober sa raid ang isang automatic shotgun, sniper rifle, .45 pistol, isang revolver at iba’t ibang mga bala.
Patuloy na inaalam ng mga awtoridad ang background ng mga nadakip na Chinese na posibleng mga POGO worker at may 10 taon nang pabalik-balik sa bansa.
Nakuha rin ang isang Chinese flag mula sa kanila.
Ayon sa pulisya, hindi nila isinasantabi ang posibilidad na mga espiya o mga miyembro ng People's Liberation Army ang mga Chinese.
Isasailalim sa ballistic examination ang mga baril para matukoy kung nagamit ang mga ito sa krimen.
Dinala na sa Makati City Police Station ang mga dayuhan, na mahaharap sa reklamong paglabag sa Republic Act 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition.
Sinusubukan pa ng GMA Integrated News na kunan sila ng pahayag. —Jamil Santos/VBL GMA Integrated News
