Inamin ni Senate President Francis Escudero na kaibigan at campaign donor niya ang isa sa mga kontratista na nakakuha ng mga flood control project. Gayunman, wala umano siyang kaugnayan sa kompanya at paninira lang ang paglalagay ng malisya sa koneksyon niya rito.
Ang tinutukoy ni Escudero ay si Lawrence Lubiano, presidente ng Centerways Construction and Development Inc., na naging campaign contributor niya noong 2022 elections.
Kabilang ang Centerways Construction and Development sa mga kontratista na pinangalanan ni Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr., na nakakuha ng kontrata sa P545-billion flood control projects.
"For the record, wala akong kinalaman sa pag-identify, paggawa ng program of work, pag-bid, pag-award, pagbayad, pag-inspeksyon ng anumang proyekto sa pamahalaan sa Sorsogon man o sa labas ng lalawigan ng Sorsogon," pahayag ni Escudero sa press conference nitong Martes.
Nitong Lunes, sinabi ni Marcos na 20% ng kabuuang P545 billion budget para sa flood control projects ang nakopong o nakuha ng 15 kontratista.
Lima umano sa 15 kontratista ang nakakuha ng mga proyekto sa halos buong rehiyon sa bansa.
Isa rito ang Centerways Construction and Development, na ayon kay Escudero ay nakakuha ng P5.4 bilyon na flood control projects sa Bicol Region at Central Visayas. Pero katumbas lang umano ito ng 0.998% ng kabuuang kontrata na binanggit ni Marcos.
Gaya niya, sinabi ni Escudero na mula rin sa Sorsogon si Lubiano pero wala umano siyang kaugnayan sa negosyo nito.
Idinagdag niya na karamihan ng mga proyekto ng Centerways ay nakuha umano bago siya naging senador muli noong 2022. Bago nito, naging gobernador si Escudero ng Sorsogon mula 2019 hanggang 2022.
"Wala at hindi ko alam nga kung ano man 'yun dahil hindi ako bahagi ng kaniyang kompanya at wala akong pakialam sa kaniyang negosyo," sabi ni Escudero nang tanungin kung tinulungan ba niya si Lubiano nang bumalik siya sa Senado.
Naniniwala si Escudero na "demolition job" ang pag-uugnay sa kaniya sa kontratista dahil sa naging paninindigan niya tungkol sa impeachment case laban kay Vice President Sara Duterte, na bumoto siya pabor na i- archive ito o huwag dinggin.
"Hindi principally kasamahan namin dito sa Senado. Sa pagkakaalam namin sa labas pero hindi ko alam kung may tumutulong, kakuntsaba, o kakumplot pero tagalabas," dagdag ng senador tungkol sa naninira umano sa kaniya.
"Obvious naman siguro 'yun kung sino ang may pinaka-gusto ng impeachment," dagdag niya.
Sa nakaraang State of the Nation Address ni Marcos, binatikos niya ang umano’y mga palpak at maanomalyang flood control projects na ang iba pa raw ay “guni-guni” lang o ghost projects.
Inihayag ito ni Marcos dahil sa matinding pagkadismaya nang muli na namang malubog sa baha ang Metro Manila at kalapit na mga lalawigan nang magkaroon ng sunod-sunod na bagyo at hagupit ng Habagat. — mula sa ulat ni Giselle Ombay/FRJ GMA Integrated News

