Arestado ang isang lalaki sa Isabela na wanted ng mga awtoridad dahil umano sa panggagahasa sa isang babae sa Tondo, Maynila.
Sa bisa ng warrant of arrest, hinuli ng mga pulis mula sa Ermita Police Station ang akusado sa Alicia, Isabela.
Ang 27-anyos na akusado, nasa Top 6 most wanted persons ng National Capital Region Police Office (NCRPO) at Top 1 most wanted ng Manila Police District (MPD).
'Yan ay matapos umano niyang gahasain ang isang 19-anyos na babaeng nakilala niya lang online.
"Nagkaroon sila ng meet-up some time on April 2025 du'n sa isang birthday. Allegedly nu'ng nagkakita sila sa birthday, sumama daw itong victim sa kanya. Inuwi niya ito sa Delpan,” ani Police Major Genesis Aliling, deputy station commander ng MPD.
Dito raw isang linggong ibinahay ng akusado ang biktima na ilang beses niyang ni-rape.
Mabuti umano at nakakuha ng pagkakataon ang biktima na makatakas kaya siya agad na nakapagsumbong sa mga pulis
“Matagal na pong minanmanan ng station natin through the guidance din and instruction ng aming station commander, si Police Lieutenant Colonel Alfonso Saligumba, na tutukan itong kasong ito," sabi ni Aliling.
Pero depensa ng akusado, hindi niya ni-rape ang biktima at isang linggo na rin daw silang magkarelasyon bago sila tuluyang magkita
Nagselos lang daw umano ang biktima nang biruin siya ng akusado na mahal pa niya ang kanyang ex.
Ito raw ang dahilan kaya biglang nagsampa ng reklamo ang biktima laban sa kanya.
Hindi rin daw siya nagtago sa mga awtoridad. Nawalan lang siya ng trabaho sa Maynila kaya raw siya lumipat sa Isabela.
Mananatili sa kustodiya ng Ermita Police Station ang akusado habang hinihintay ang commitment order ng korte
Nagpasalamat naman ang biktima at ang pamilya nito dahil nahuli na ang akusado. —KG GMA Integrated News

