Pinangunahan ni Department of Public Works and Highways Secretary Vince Dizon nitong Huwebes ang paghahain ng reklamong graft sa Office of the Ombudsman laban sa 20 opisyal ng ahensiya at apat na contractor kaugnay ng mga maanomalyang flood control project.
Sa isang press briefing, sinabi ni Dizon na kabilang sa respondents ang contractor na sina Sarah Discaya at mga DPWH engineer na sina Henry Alcantara, Brice Hernandez, at Jaypee Mendoza.
Kabilang pa sa mga pangalang nabanggit ang mga opisyal ng DPWH na sina John Michael Ramos, Ernesto Galang, Lorenzo Pagtalunan, Norberto Santos, Jaime Hernandez, Floralyn Simbulan, Juanito Mendoza, Roberto Roque, Jolo Tayao, Benedict Matarawan, Christina Mae Pineda, Paul Jayson Duya, Merg Laus, Jaron Laus Lemuel Roque, Arjay Domasig, John Carlo Rivera, John Francisco, and John Does and Jane Does.
LOOK: boxes of documents being brought to Ombudsman in relation to criminal charges set to be filed against DPWH officials, contractors in ghost flood projects @gmanews @24OrasGMA pic.twitter.com/hnyrEuSfxy
— Joseph Morong ???????? (@Joseph_Morong) September 11, 2025
Samantala, ang iba pang contractor na sinampahan ng reklamo ay ang SYMS Construction Trading, na kinatawan ni Sally Santos; Wawao Builders, na kinatawan ni Mark Allan Arevalo, at IM Construction Corporation, na kinatawan ni Roberto Imperio.
Sinabi ni Dizon na may kabuuang 25 indibidwal at apat na kontratista ang inirereklamo sa limang proyekto sa Bulacan.
Ang mga reklamo ay para sa malversation of public funds, paglabag sa Anti-Graft and Corrupt Practices Act, at paglabag sa Government Procurement Act.
"Uulitin ko ang instruction ng ating Pangulo… lahat ng kailangang managot ay dapat managot kahit kilala niya, kaibigan niya, kaalyado niya. Lahat dapat managot," sabi ni Dizon.
"Simula pa lang po ito. Marami pa pong ibang kailangan managot at dapat managot sa mga susunod na araw, susunod na linggo, at susunod na buwan," dagdag niya.
Sinabi ni Dizon na nakatakda nang simulan ng gobyerno ang proseso ng pagpapatalsik sa mga tauhan na sangkot dito.
Sarah at Curlee
Nang tanungin kung bakit hindi kabilang sa mga respondent ang asawa ni Discaya na si Curlee, sinabi ni Dizon na ito ay dahil si Sarah ang tumestigo sa Senado bilang beneficial owner ng St. Timothy.
"Pero 'wag po tayong mag-alala. Kagaya ng sinabi ko, marami pa ito at una pa lang ito. So maghintay na lang tayo sa mga susunod na kaso," sabi niya.
Ayon kay Dizon, pinayuhan ng mga eksperto sa batas ang DPWH na magsampa ng mga reklamo na pinakamadali at pinakamabilis na mapatunayan kaugnay ng mga kasalukuyang ebidensiya.
Sinabi niya na sinabi sa kanya ng mga abogado na ito ay isang "open and shut case."
May mga tapat pa ring empleyado
Bagama't naniniwala siyang may karapatang magalit ang taumbayan, nanawagan si Dizon sa publiko na iwasang husgahan ang lahat ng mga tauhan ng DPWH, at sinabing mayroon pa ring mga "honest and hardworking" na empleyado sa ahensiya.
"Hindi naman porke't naka-DPWH uniform ay magnanakaw, ay masamang tao. Marami po dito, higit nakakarami, maayos po ito. Nakakaawa naman po sila. Wag naman po tayong humusga dahil taga-DPWH," sabi niya. Nanawagan din siya sa publiko na makipag-ugnayan at magbahagi ng impormasyon sa mga awtoridad.
Nagsasagawa ng imbestigasyon ang gobyerno sa mga ghost o substandard na flood control projects matapos ipangako si Pangulong Ferdinand "Bongbong" Marcos Jr. sa kaniyang huling State of the Nation Address na mananagot ang mga sangkot sa maanomalyang kontrata.
Parehong inilunsad ng Kamara de Representantes at Senado ang kanilang mga imbestigasyon sa kontrobersiya.
Bago nito, nagpahayag na si Sarah Discaya at ang kaniyang asawang si Curlee ng interes na maging state witness.
Pinangalanan nila ang ilang kongresista, kanilang mga tauhan, at mga opisyal ng DPWH na sangkot umano sa katiwalian sa mga flood control projects.—Jamil Santos/AOL/ VAL GMA Integrated News

