Hindi papayagan ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang China na magtayo ng nature reserve sa Scarborough Shoal sa West Philippine Sea (WPS), ayon sa isang opisyal ng Philippine Navy nitong Martes.
Sa isang press briefing, tinanong si Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, tagapagsalita ng Philippine Navy para sa WPS, kung maaari bang makontrol ng Southern Theater Command ng China ang shoal kasunod ng anunsyo ng Beijing tungkol sa plano nitong magtayo ng nature reserve sa lugar.
“Whatever the adversary the South Sea Fleet would plan is beyond us,” ani Trinidad.
“What we control is the actions of the Armed Forces, the Philippine Navy, the Air Force, and the Philippine Army. At hindi natin papayagan na ang sa atin ay mawawala,” dagdag ng opisyal.
Sakalin sakupin ng China ang Scarborough Shoal, sinabi ni Trinidad na may nakahandang aksyon ang AFP, ngunit tumanggi siyang ibahagi ang mga detalye.
“We will not delve into details to give an advance declaration of our actions. Rest assured that your Armed Forces knows what to do. We are good with what we have,” sabi ni Trinidad.
Ayon pa kay Trinidad, tuloy-tuloy ang mga operasyon ng maritime domain awareness gamit ang iba't ibang plataporma — mula sa dagat, sa lupa, at sa himpapawid upang bantayan ang shoal.
Noong Setyembre 10, inanunsyo ng China ang paglikha ng isang nature reserve sa Scarborough Shoal na kanilang inaangkin.
Noong Setyembre 13, kinumpirma ng Department of Foreign Affairs (DFA) na naghain sila ng diplomatic protest laban sa plano ng China.
Nagpahayag din ng pagtutol sa plano ng China ang Australia, Canada, at Japan.
Matatagpuan ang Scarborough Shoal sa layong 124 nautical miles mula sa baybayin ng Masinloc, Zambales at kabilang ito sa 200-nautical-mile exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
BASAHIN: EXPLAINER: What is Scarborough Shoal and why is it important?
Noong 2016, nagdesisyon ang Permanent Court of Arbitration sa Hague pabor sa Pilipinas at nagsabing walang legal na batayan ang mga pag-angkin ng China sa buong South China Sea.
Gayunpaman, ayaw kilalanin ng China ang naturang desisyon.-- mula sa ulat ni Joviland Rita/FRJ GMA Integrated News

