Ang dating inakalang kuwentong-bayan na may nakuha noon sa isang palaisdaan sa Butuan, Agusan del Norte, na antigong punyal na purong ginto ang hawakan, tunay na tunay pala. Ang naturang punyal, ipinasubasta kamakailan sa isang auction house at umaabot ang presyo sa P2.4 milyon. Maibalik kaya sa lalawigan ang naturang yaman na bahagi ng kasaysayan ng ating lahi?
Sa nakaraang episode ng “Kapuso Mo, Jessica Soho,” sinabing kanlungan ng isa sa pinakamatandang sibilisasyon sa buong Pilipinas ang “Kingdom of Butuan” sa Mindanao.
Ilang kagamitan ang nahukay doon mula sa sinaunang panahon, na nagpapatunay sa napakayaman nitong kasaysayan. Kasama na rito ang balangay, o bangkang ginamit ng ating mga ninuno, na pinaghanguan din ng salitang barangay.
Noong 1930’s isang maliit na rebulto na gawa sa ginto ang nahukay sa Butuan na tinawag na Golden Tara. Makikita ito ngayon sa isang museum sa Chicago, Illinois sa Amerika.
Ginawan ito ng replikang rebulto sa Butuan na nagsisilbing tourism icon ng Caraga region.
Haggang sa naging bali-balita noong dekada 70 na may nahukay umanong punyal sa palaisdaan na gawa sa purong ginto ang hawakan, at pinaniniwalaang mula pa noong ika-10 siglo.
Kuwento ng residenteng si Jet Tutaan, nagkaroon ng log ban noon kaya lumipat sa pag-aasikaso ng mga fish pond ang mga taga-Butuan. Sa paggawa ng mga fish pond, nahukay ng mga taga-Butuan ang ilang sinaunang kagamitan doon.
Hanggang sa kamakailan lang, inilabas ng auction house na Leon Gallery ang pinakabagong koleksyon na kanilang isusubasta, kasama ang isang gintong punyal na pinaniniwalaang ang nawawalang punyal na nahukay sa Butuan.
Ayon sa Curator ng Leon Gallery na si Lisa Guerrero-Nakpil, pagmamay-ari ito ng isang kilalang kolektor na gusto na itong ibenta kaya napunta sa kanilang gallery.
May habang 35 sentimetro ang punyal. Kinakalawang na ang patalim nito pero buong buo pa at kumikinang ang hawakan dahil gawa umano ito sa purong ginto.
Nakarating sa mga taga-Butuan ang balita tungkol sa nakatakdang isusubasta na punyal.
“Kaya ito ay dapat makauwi sana sa Butuan dahil dito nanggaling,” sabi ni Arvin Manuel Villalon, former director ng National Museum in Mindanao.
“Hopefully, maibalik. That is who we are. So, ayaw na naming paniwalaan 'yung ‘Indio kayo, mangmang kayo, walang kayong alam.’ Meron kaming alam. Meron kaming goldsmith industry,” sabi ni Tutaan.
Maging ang pamunuan ng Pambansang Museo ng Pilipinas sa pangunguna ng Director General nito na si Jeremy Barnes, nais ding maibalik ang gintong punyal sa Butuan City.
“Walang dagger na ganito na nasa kahit anong museum ngayon. Our hope is ma-install siya permanently sa Butuan. Para 'yung mismo kababayan nating Butuanon, meron silang isang treasure na ganito na galing sa area nila thousand years ago,” sabi ni Barns, CESO III, Director-General ng National Museum.
Para makuha ito, sumali si Barns sa auction para mabili sa gintong punyal na tumataginting na P1.2 milyon ang starting bid. Pero nang matapos ang subasta, bigo silang makuha ang punyal dahil sa nag-bid na hanggang gumastos ng P2.4 milyon para sa gintong punyal.
Gayunman, sinabi ni Barns, na makikipag-ugnayan sila sa Leon Gallery para igiit ang “right of first refusal” sa winning bidder na P2.4 milyon.
“It's really the right of the government to have the first refusal. So meaning, maski may nanalo, sasabihin nila kami na ‘Huwag muna ibenta ‘yan sa nanalo. We will exercise our right as accorded to us by law,’” sabi naman ni Jaime Ponce de Leon, Director ng Leon Gallery.
“Pasok 'yung presyo sa ating kakayahan sa National Museum. Wala nang problema. We can already look forward to bringing this into the museum,” sabi ni Barns.
Komento ng taga-Butuan na si Tutaan, kung maibalik man sa kanilang lugar ang punyal, “It's a celebration and people will know and Butuan will be reminded of who we are.” – FRJ GMA Integrated News
