Si Mina Elamparo-Jose ng W.J. Construction, na isa sa mga kompanyang iniuugnay sa umano’y maanomalyang flood control projects, ang bumisita sa Senado noong nakaraang Agosto. Paliwanag niya, sa opisina ni Senador Erwin Tulfo siya nagpunta para pag-usapan ang problema umano ng mambabatas sa beranda nito o terrace.

Dumalo si Jose sa pagpapatuloy ng Senate blue ribbon committee hearing nitong Huwebes tungkol sa umano’y katiwalian sa paggamit ng bilyon-bilyong pisong pondo ng pamahalaan sa flood control projects.

Nitong nakaraang linggo, sinabi ni Senador Ping Lacson, bagong chairman ng komite na ipatatawag nila ang kinatawan ng W.J. Construction na nakitang nagpunta sa Senado noong Agosto para malaman kung ano ang ginawa niya at sino ang pinuntahan niya sa kapulungan.

BASAHIN: Tauhan ng isang construction firm na sabit sa flood control projects, naispatan sa Senado noong Agosto-- Lacson

Sa harap ito ng alegasyon noon ni dating Bulacan 1st district assistant engineer Brice Hernandez sa isang pagdinig sa Kamara de Representantes, na nakatanggap umano siya ng pera mula sa WJ kaugnay ng hatian ng kita mula sa pondo ng flood control projects.

Sa pagdinig sa Senado nitong Huwebes, itinanggi ni Santos na nagbigay siya ng pera sa kahit sinong opisyal o mambabatas, maging kay Hernandez.

Wala rin umanong ghost no substandard flood control projects ang kanilang kompanya.

“As for myself, I speak from the depth of my heart that I have never engaged in any illegal activity. I have never given nor received any money from any public official or government employee, including this Mr. Brice Hernandez. Thus, I strongly deny his accusations, the baseless and malicious accusations he threw against me and WJ Construction during the congressional hearing,” saad niya sa komite.

Ayon pa kay Jose, nagtungo siya sa tanggapan ni Sen. Erwin sa Senado noong August 19, para sa ocular inspection para sa refurbishment project.

“Meron po kasing problem ‘yung terrace ni Senator Erwin na binabaha po siya lalo po ‘pag umuulan. So ako po yung na-refer na contractor nung staff niya na kung puwede po tingnan namin, gawan ng solusyon and mag-suggest po kami sa kaniya,” paliwanag ni Jose.

Sinabi naman ni Tulfo, na nalaman lang niya ang tungkol sa WJ Construction mula sa isa niyang staff na nagrekomenda na gagawa sa beranda ng kaniyang opisina.

“But upon learning, her name was mentioned by Engineer Brice, we immediately requested to cancel all contracts with WJ where I specifically ordered to terminate our office refurbishment project with WJ,” ayon sa senador.

Safe ka na talaga

Kaugnay nito, itinanggi rin ni Jose na may transaksyon siya kay Sen. Senador Jinggoy Estrada sa pamamagitan ng umano’y staff na nagngangalang Beng Ramos, gaya ng inihayag ni Hernandez sa pagdinig sa Kamara.

Tinanong ni Senador Rodante Marcoleta si Jose kung kilala ba niya nang personal si Estrada o kung nagbigay siya rito ng pera.

“Hindi po. Kahit kay Brice, wala po akong dinalang pera,” sagot ni Jose.

Kasunod ng naturang sagot ni Jose, sabi ni Marcoleta kay Estrada na nasa tabi niya, “Okay. so talagang safe ka na.”

Nauna nang itinanggi ni Estrada na nakatanggap siya ng 30% na kickback mula sa P355 milyong alokasyon, at iginiit na wala siyang staff na nagngangalang Beng Ramos. — mula sa ulat ni Giselle Ombay/FRJ GMA Integrated News